- BULGAR
Grand Pasay Eagles Run kaagapay ang Run Mania
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 4, 2022

Isang espesyal na fun run, ang “Grand Pasay District 8 Eagles Run” ay magaganap ngayong Oktubre 30 sa kahabaan ng Jose W. Diokno Boulevard simula 4 p.m. araw. Ang nasabing karera ay proyekto ng The Grand Fraternal Order of Philippine Eagles International sa tulong ng Run Mania.
Titingnan kung sino ang magiging pinakamabilis sa mga kategorya ng 10, 5 at 3 kilometro. Ang mga magwawagi ay gagawaran ng tropeo at regalo mula sa mga sponsor.
Lahat ng makakatapos ay tatanggap ng medalya at certificate. Kasama sa race kit ang numero at t-shirt. Dahil ang patakbo ay sa bisperas ng Halloween, hinihikayat ang lahat na tumakbo na may naaangkop na kasuotan para sa okasyon. May ihahandang gantimpala para sa mga pinakanakakatakot na mananakbo.
Bilang pag-iingat, susukatan ng temperatura ang lahat at may magbabantay na mga medic. Ayon sa dami ng lalahok, maaaring hatiin sa mga maliit na grupo bago nila simulan ang pagtakbo.
Upang mabuksan muli ang daan sa mga sasakyan, bibigyan ng hanggang dalawa at kalahating oras o 7:30 ng umaga ang mga kalahok sa 10 kilometro para tapusin ang karera. Magpapatupad din ng parehong patakaran sa 5 km na isa at kalahating oras at isang oras para sa 3 km. Isa sa mga tutulungan ng fun run ay ang mga kawani ng Pasay City Traffic Management.
Layunin ng Eagles na tulungan ang pinakamahirap sa mga mahihirap. Gagamitin ang pondong malilikom sa pagpapatuloy ng kanilang mga proyektong pang kawanggawa.
Maaaring bumisita sa Facebook ng Grand Pasay District 8 Eagles Run upang magparehistro. May nakahandang diskuwento para sa mga Senior Citizen at PWD habang bibigyan ng isang libre ang bawat grupo ng 10 sa sabay lalahok.