top of page
Search
  • BULGAR

Graduation at moving up ceremony, gawing simple at makabuluhan

ni Ryan Sison @Boses | May 6, 2024



Boses - Ryan Sison


Sa katapusan ng Mayo ngayong taon, itinakda na ang End-of-School-Year (EOSY) Rites para sa SY 2023-2024.


Batay sa inilabas ng Department of Education (DepEd) na Memorandum No. 023, series of 2024, ang pagsasagawa ng EOSY Rites ay mula May 29-31, 2024, para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, Grade 6, Grade 10, Grade 12, at Alternative Learning System (ALS) learners na nakamit ang mga curriculum requirement para sa school year.


Alinsunod sa nasabing memorandum, ayon sa DepEd dapat na ang graduation at moving up ceremonies ay simple subalit makabuluhan.


Pinaalalahanan din ng kagawaran ang mga paaralan na iwasan ang labis na paggasta, mga extravagant attire, o mga extraordinary venues, sa halip na dapat ay nakatuon sila sa kahalagahan ng kaganapan sa buhay ng mga mag-aaral. 


Gayundin, ang mga non-academic project ay hindi dapat gamitin bilang mga kinakailangan para sa graduation o completion requirements, kung saan tinitiyak na ang pagtuon dito ay nananatili sa mga academic achievement ng mga estudyante.


Ang mga personnel ng DepEd ay mahigpit namang ipinagbabawal na mangolekta ng anumang mga kontribusyon o bayad para sa graduation o moving up ceremony.


At para matiyak ang kaligtasan at maproteksyunan ang mga mag-aaral, guro at mga attendees, pinayuhan din ng kagawaran ang mga iskul na idaos ang kanilang EOSY Rites sa mga well-ventilated indoor venues o covered courts upang maiwasang mabilad sila sa matinding init ng panahon. 


Hinihikayat din ang mga paaralan na huwag mag-iskedyul ng rites sa pinakamainit na oras sa isang araw upang mabawasan ang panganib ng mga heat-related illness.


Kaugnay nito, ang theme para sa SY 2023-2024 EOSY Rites ay “Kabataang Pilipino Para sa Matatag na Kinabukasan ng Bagong Pilipinas,” kung saan binibigyang-diin ang mahalagang papel ng edukasyon sa paghubog ng kabataang Pilipino bilang mga lider sa pagbuo ng isang mas matatag at mas progresibong bansa. Ang highlights naman ng nasabing tema ay ang kahalagahan ng pagbibigay kapangyarihan sa mga kabataang Pinoy na maging mga catalyst para sa positibong pagbabago at pag-unlad ng ating bansa.


Mabuti at nagpasya ang gobyerno na tapusin na at isagawa ngayong katapusan ng buwan ang mga klase.


Malaki ang maitutulong nito sa ating mga mag-aaral, mga guro, at iba pa para maibalik na sa dating school calendar ang kanilang pasukan.


Kumbaga, konting adjustment na lamang ang gagawin habang may panahon pa para makapagpahinga rin ang ating mga guro.


Paalala lang sa ating mga kababayan, maging sa mga eskwelahan na iwasan sana ang sobrang garbo ng mga isasagawang graduation at moving up ceremony. 


Batid natin na talagang ang mga ganitong seremonya ay napakahalaga dahil minsan lang magaganap sa buhay ng ating mga anak. Subalit, mas mainam na maging simple pero magmamarka nang husto sa isipan ng bawat mag-aaral ang kanilang graduation. 


Mas maganda sigurong ilaan na lamang natin ang maaari nating gastusin sa pangangailangan pa ng ating mga anak sa hinaharap, na puwede niyang gamitin sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo. 


Isipin na lang natin na kailangan na mas paghandaan ang kinabukasan o future nila.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page