Grade 3, nahulihan ng baril sa school

ni Mai Ancheta @News | October 23, 2026

Photo: Barra Elementary School / Circulated
Palaisipan sa mga awtoridad ang nakitang baril at limang bala sa bag ng isang Grade 3 sa Barra Elementary School sa Opol, Misamis Oriental.
Nadiskubre ang baril at mga bala sa bag ng walong taong gulang na batang lalaki habang nasa oras ng klase, kaya agad na tumawag ng opisyal ng barangay ang mga nangangasiwa sa paaralan.
Mga kaklase umano nito ang nakakita sa baril kaya nagsumbong agad sa kanilang guro.
Kinumpirma naman ni Kagawad Manny Bersabal na ang nakuhang baril sa batang estudyante ay isang kalibre 22 na pistol.
Itinanggi naman ng estudyante na sa kanya ang baril at sa halip ay itinuro ang kanyang Grade 4 na kapatid na siya umanong naglagay ng armas sa kanyang bag.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy kung kanino ang baril at kung paano ito naipasok sa paaralan sa kabila ng mga paghihigpit.





Comments