top of page
WINNER - DEREK, ENDORSER NG ONLINE GAMBLING-IG _ramseyderek07.jpg

Grade 11, pinagsasaksak ng mga kapwa estudyante, patay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | August 18, 2026



Grade 11 sinaksak sa bilyaran patay - Circulated QCPD

Photo: QCPD-S16 / Circulated



Nasawi ang isang Grade 11 student matapos pagsasaksakin ng kapwa estudyante kasunod ng nangyaring rambulan sa isang bilyaran sa Pasong Putik, Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.


Ayon kay Police Lieutenant Colonel Timothy Aniway, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 16, nagkaroon ng pagtatalo ang grupo ng biktima at grupo ng mga suspek alas-9 ng gabi na nauwi sa suntukan.


Makikita rin sa isang video ang mga kabataan na lumabas sa kalsada habang naghahabulan at nagpatuloy sa kanilang suntukan.


Alas-11:45 ng gabi nang makatanggap ang pulisya ng tawag mula sa Commonwealth Hospital tungkol sa mga sugatang kabataan na isinugod sa pagamutan.


Agad na nagtungo ang mga pulis sa ospital at doon nakumpirmang isang biktima ang nasaksak habang isa pa ang nagtamo ng pinsala sa ulo.


Batay sa imbestigasyon, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang grupo hanggang sa mauwi ito sa rambulan.


Sa kasagsagan ng away, bumunot umano ng patalim ang isa sa mga suspek at sinaksak ang biktima sa dibdib at hita.


Isinugod sa ospital ang binatilyo ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa tinamong mga sugat.


Samantala, nasugatan din sa ulo ang isa sa mga kaibigan ng biktima matapos umanong hampasin ng bato.


Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 18-anyos na suspek at dalawang umano’y kasabwat nito na edad 15 at 16.


Lumabas sa imbestigasyon na pawang Grade 10 at Grade 11 students ang mga sangkot sa away, ngunit nag-aaral sila sa magkakaibang eskuwelahan.


Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima.


Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal ang 18-anyos na suspek.


Nahaharap sa reklamong homicide at physical injuries ang nakasaksak sa biktima.

Samantala, nakatakdang ilipat sa Bahay Pag-asa ang dalawang menor-de-edad na suspek.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page