Grabeng pinsala ni ‘Karding’ sa agrikultura, doble-hirap sa mga magsasaka
ni Ryan Sison - @Boses | September 30, 2022
Matapos ang hagupit ni Super Typhoon Karding, patuloy ang pagtaas ng naitatalang pinsala ng bagyo sa bansa.
Mula sa dami ng nasawi, nawawala at nawalan ng bahay, idagdag pa ang mga imprastruktura, lubha ring tinamaan ang sektor ng agrikultura.
Sa sektor ng agrikultura, tinatayang nasa P1.97 bilyon ang pinsala, base sa ulat ng Department of Agriculture (DA) noong Miyerkules, Setyembre 28. Mas malaki ito sa inisyal na pagtaya ng ahensya na P141.28 milyon noong Lunes.
Gayunman, umabot sa 88,520 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng bagyo sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Bicol Region.
Habang tinatayang nasa 114,446 metric tons at 148,091 hectares ng agricultural land, kung saan ang mga apektadong kalakal ay bigas, mais, high-value crops, livestock, poultry at pangisdaan.
Sa rice sector, nasa 81% o katumbas ng P1.61 bilyon ang nasira.
Samantala, magbibigay naman ng planting materials ang DA sa mga magsasaka, habang ang mga mangingisda ay makakatanggap ng fingerlings at fishing paraphernalia mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa totoo lang, napakalaking hamon nito para sa ating mga magsasaka. Pahirapan na ngang makabenta, lalo pang pinahirapan ng super typhoon. Doble-hirap na, hindi pa nila alam kung paano babangon muli.
Kaya gaya ng ibang labis na naapektuhan ng bagyo, walang magagawa ang ating mga magsasaka at mangingisda kundi umasa sa tulong ng gobyerno.
Pakiusap lang natin sa mga kinauukulan, pakibilisan ang paghatid ng tulong upang makabawi pa ang mga nasa industriya.
Ang sektor ng agrikultura ay may malaking ambag sa ating bansa, kaya dapat lang mahatiran sila ng kaukulang tulong sa lalong madaling panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments