Grabeng epekto ng El Niño, paghandaan na
- BULGAR
- Jan 7, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | January 7, 2024
Maaaring tumagal nang higit kaysa inaasahan ang hagupit ng El Niño phenomenon sa ating bansa at posibleng makaapekto sa kabuuang 56 probinsya sa Abril.
Batay sa PAGASA, sa pagtatapos ng Enero ay nasa 14 na lalawigan ang inaasahang makakaranas ng dry spell. Karamihan sa mga apektadong lugar ay mga agricultural provinces sa Northern at Central Luzon gaya ng Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, at Nueva Ecija.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Chief Ana Solmoro Solis, ang mga lugar na nakakaranas na ng dry spell nitong mga nakaraang buwan, ito ang mga puwedeng magtuluy-tuloy ang El Niño. Aniya, ang temperatura ay maaaring tumaas ng hanggang 40 degrees sa Northern Luzon area.
Hindi naman bababa sa 27 probinsya ang maaapektuhan ng El Niño sa Pebrero habang puwede itong tumaas sa 44 lalawigan sa Marso at maaaring umabot sa 56 sa Abril.
Posibleng ito na ang pinakamainit na panahon sa bansa, partikular sa Northern Luzon.
Mararamdaman ito sa pagtatapos ng 2023.
Sinabi rin ng PAGASA na ang epekto ng El Niño phenomenon ay maaaring tumagal nang mas mahabang panahon kaysa sa kanilang naging initial forecast.
Pahayag ni Solis, sapat naman ang water supply sa Angat dam sa kabila na may El Niño sa ating bansa. Ang napakakritikal dito ay kapag nag-extend ang dry spell o tagtuyot pagkatapos ng Mayo o lagpas ng Mayo.
Matatandaang noong Mayo 2023, naglabas ang PAGASA ng El Niño Alert, matapos ang kanilang mga forecast ay nagpapakita na ang phenomenon ay maaaring maranasan sa susunod na tatlong buwan na may 80% probability at posibleng tumagal hanggang sa unang quarter ng 2024.
Hindi biro ang inaasahang pagtama ng El Niño phenomenon sa Pilipinas, kung saan maraming bansa na rin ang hinahagupit nito sa ngayon.
Subalit, kung ang kinauukulan at mamamayan ay magkatuwang na paghahanda ang naturang kalamidad posibleng hindi magiging kritikal o matindi ang epekto nito sa kabuhayan at ekonomiya ng ating bansa.
Marahil, dapat ding tutukan ito ng gobyerno at lumikha ng isang team na nakatuon para sa pag-iwas sa matinding epekto ng El Niño.
Payo natin sa ating mga kababayan na maging ready at pangalagaan natin ang ating kalusugan habang dapat na maging aware tayo sa mga kaganapan patungkol sa naturang phenomenon at patuloy din tayo na magtipid sa tubig.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments