Gov’t officials, kumikita ng milyones habang milyun-milyong Pinoy ang tambay
- BULGAR

- Aug 1, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 1, 2020
HIRIT NI VP LENI, AKSIYON VS. COVID-19 ANG KAILANGAN—Ayon kay VP Leni Robredo, hangga’t wala pang bakuna ay dapat gumawa ng mga diskarte ang pamahalaan kung paano malalabanan ang virus tulad ng ibang bansa na tinatalo na ang COVID-19.
Dapat pakinggan ng Duterte gov’t. ang payo ni VP Leni dahil sa totoo lang ay nakakabahala na ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa, lalo na’t sa latest data ay nalampasan na ng Pilipinas ang China sa dami ng mga nagka-virus, period!
◘◘◘
MILYUN-MILYONG PINOY ANG NAGHIHIRAP HABANG ANG IBANG OPISYAL NG PAMAHALAAN AY KUMIKITA NG MILYUN-MILYON—Sa social media, galit ang ipinakita ng mamamayan sa kanilang natuklasan, na base sa report ng Commission on Audit (COA) ay milyun-milyong pisong suweldo at allowance kada buwan ang tinatanggap ng mga opisyal ng gobyerno.
Sa totoo lang ay nakakagalit ito dahil mantakin ninyo, habang milyun-milyong Pinoy ang naghihirap sa panahon ng krisis, sarap-buhay naman ang mga gov’t. officials na milyun-milyong piso pala ang kita sa pamahalaan, buwisit!
◘◘◘
GOOD KUNG TUNAY NA 38,075 ANG GUMALING COVID-19 SA ISANG ARAW, PERO KUNG FAKE NEWS, BAD ‘YAN—Matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3, 954 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, ibinida nito na sa loob ng isang araw ay 38,075 naman ang nakarekober.
Ganu’n? Kung totoong 38,075 pasyenteng nga ang gumaling sa loob lang ng isang araw ay good ‘yan, pero kung fake news, bad ‘yan dahil panloloko ‘yan sa taumbayan, period!
◘◘◘
KAHIT SI P-DUTERTE PARANG AYAW MANIWALA NA 38,075 ANG NAKAREKOBER SA LOOB LANG NG ISANG ARAW—Sa pagharap ni P-Duterte sa publiko ay sinabi nito na baka raw bago matapos ang 2020 ay may bakuna na kontra COVID-19, pero ang nakapagtataka, sa kabila na good news naman ang 38,075 na ayon sa DOH ay nakarekober sa COVID-19 ay hindi ito ibinida ng Pangulo.
Sa isyung ito ay tila kahit si P-Duterte ay hindi naniniwala na sa loob lang ng isang araw ay 38,075 agad ang gumaling sa COVID-19, boom!





Comments