top of page

Gov’t. employees na may ‘K’, gawing regular

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 13, 2024
  • 1 min read

@Editorial | June 13, 2024



Editorial


Kasabay ng tila walang humpay na taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, patuloy ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod.


Bagama’t may mga ayudang ibinibigay ang gobyerno, iba pa rin kung ‘ika nga nila’y pinagpawisan ang perang gagastusin. Kaya bukod sa regular na trabaho, makatarungang sahod ang hiling ng mga empleyado.


Kaugnay nito, ibinalita naman ng Department of Budget and Management (DBM) na sa katapusan ng Hunyo, inaasahang makukumpleto na ang pag-aaral sa posibleng umento sa sahod ng mga taga-gobyerno.


Sa ngayon, isinasapinal na umano ng Compensation and Benefits Study ang salary adjustments para sa mga manggagawa ng pamahalaan. Ayon sa DBM, masusing pinag-aaralan ang iba’t ibang aspeto ng kasalukuyang compensation system kabilang ang mga sahod, benepisyo at allowance upang matukoy ang mga dapat pang pag-ibayuhin.


Ang magiging resulta rin ng pag-aaral ay siyang magiging basehan para gawin ang kinakailangang mga pagbabago sa Total Compensation Framework ng civilian government personnel para matiyak ang patas at napapanahong salary adjustment.


Sakaling maging positibo ang resulta ng pag-aaral, umaasa tayo na bilang kapalit, mas magiging maayos ang serbisyo-publiko.


Batid natin na maraming manggagawa sa gobyerno ang talagang tapat sa kanilang tungkulin at bilang mga frontliner o humaharap sa mga pangangailangan ng publiko, dapat lang na ibigay din ang nararapat na kabayaran sa kanilang pagtatrabaho.


At isa pang pinakamahalagang bagay na sana’y mapagtuunan ng pansin ay ang pagbibigay ng regular na posisyon sa mga empleyadong karapat-dapat. Kung matagal nang lingkod-bayan at kuwalipikado, gawin nang regular at huwag namang haluan pa ng isyu sa pulitika, plis lang.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page