@Editorial | October 23, 2023
Pinaalalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga empleyado ng pamahalaan na iwasang sumali o makisawsaw sa mga electioneering at partisan activities kasabay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Ginawa ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang naturang paalala bilang gabay sa 1.9 million na empleyado ng pamahalaan.
Magsisilbing guide ng 1.9 milyong kawani ng pamahalaan ang nilalaman ng CSC-Commission on Elections Joint Circular na sumasaklaw sa mga empleyado ng pamahalaan, anuman ang kanilang estado: civil, permanent, contractual, o casual, na nagtatrabaho saanmang sangay ng pamahalaan.
Kasama rin sa regulasyon ang mga career officer na may hawak na political offices, mapa-OIC man o permanente. Ganundin ang mga miyembro ng unipormadong hanay.
Mahigpit na paalala sa lahat ng taga-gobyerno na bawal mangampanya o bumuo ng mga grupo at organisasyon para ikampanya ang mga napupusuang kandidato; pagdaraos ng mga meeting, rally, o mga parade para makakuha ng suporta para sa isang kandidato; at pagsama sa mismong kandidato upang mangampanya.
Bantay-sarado na rin ang paggamit ng social media, puwede naman umanong mag-repost, magkomento, o mag-follow ang mga empleyado ng pamahalaan sa account ng mga napupusuang kandidato, basta hindi sila tahasang humihingi ng suporta para o laban sa isang kandidato.
Samantala, ang mga mapatutunayang nagkasala dahil sa electioneering at partisan politics ay papatawan ng kaukulang parusa.
Kinabibilangan ito ng suspensyon mula isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan sa unang pagkakasala, at pagkakatanggal sa serbisyo sa ikalawang pagkakataon.
Kaya sa mga taga-gobyerno, iwasang makisali lalo na ang makigulo sa kampanya at sa kabuuan ng halalan.
Sa halip na makisawsaw, pagtuunan ng pansin ang trabaho at makiisa para sa mapayapa at maayos na eleksyon.
Comments