Goodbye, ‘kamote’ riders!
@Editorial | November 26, 2023
Mababawasan na ang mga tinaguriang ‘kamote’ riders o mga pasaway na nakamotorsiklo.
Ito ang inaasahan makaraang magtapos ang mahigit 1,000 student-riders ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Motorcycle Riding Academy.
Matatandaang inilunsad ang riding academy noong Setyembre. Layon nitong magturo ng mga pangunahing kasanayan sa pagsakay at pagsunod sa mga patakaran at regulasyon sa trapiko.
Ayon sa MMDA, magiging malaki ang ambag nito sa mga rider upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa pag-iingat sa pagmamaneho.
Isa sa pinakamahalagang layunin ng riding academy ay ang mabawasan ang mga aksidenteng nauugnay sa motorsiklo sa pamamagitan ng pagbibigay ng theoretical at practical courses.
Napag-alaman na nakakapag-accommodate ito ng 100 student-riders, na puwedeng mag-enroll online o walk-in.
Ang kurso ay inaalok nang libre at ang mga kalahok ay kailangan lamang na magdala ng sariling helmet at protective gear.
Kaya sa mga nagmomotorsiklo o nagbabalak na magmotor, kunin na sana natin ang pagkakataong ito na matuto para hindi tayo mapahamak o makapahamak ng kapwa motorista at iba pang nasa kalsada.
Kung lahat ay may alam sa batas-trapiko at sinusunod ang mga ito, maiiwasan kahit paano ang masamang pangyayari.



Comments