Goodbye, 'kamote' riders!
- BULGAR
- Jan 27, 2023
- 1 min read
@Editorial | Enero 27, 2023
Sakit sa ulo pa rin ang mga pasaway na nakamotorsiklo o silang mga binansagang 'kamote' riders.
Nakapagtataka na nagkalat ang mga nakamotor na walang alam sa batas-trapiko o sadyang ayaw lang sumunod.
Simpleng pagsusuot ng helmet, pagsunod sa traffic light, dedma.
Maunawaan sana natin na malayo man o malapit ang pupuntahan nang nakamotor, dapat mag-helmet dahil walang pinipiling distansya ang aksidente, mainam nang may panlaban sa semplang o bangga kesa wala.
At sa plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pagtatatag ng Motorcycle Riding Academy, pabor tayo rito.
Sa pamamagitan nito ay mababawasan ang mga naitatalang aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Batay sa datos na naitala ng kanilang ahensya, umabot sa 24,000 ang aksidente noong nakaraang taon na pawang motor ang sangkot.
Kung susumahin umano, tinatayang 2,000 ang naitalang aksidente kada buwan noong nakaraang taon at 258 rito ay nagresulta sa pagkamatay.
Idagdag pa ang ulat ng World Health Organization (WHO) noong 2018 na ang Pilipinas ay nasa ika-11 sa 175 na bansa sa may pinakamataas na bilang ng pagkamatay sa trapiko sa kalsada.
Ang Motorcycle Academy ay magsisilbing refresher course para sa lahat ng motorcycle riders para sa basic riding skills, traffic rules and regulations, kaligtasan sa trapiko at disiplina.
Sana lahat ay mag-enroll dahil libre naman ito. Ang programa ay inaasahang masisimulan ngayong unang quarter ng taong 2023.
Sakaling dedmahin at patuloy na mamayagpag ang mga pasaway na riders, baka uubra na gawin na itong mandatory. Kapag walang training, huwag bigyan ng lisensya.
Kailangang maging responsable at disiplinado.
Kung magmomotor, magdasal at isipin na may pamilyang uuwian at naghihintay. Ride safe!


Comments