Goodbye face mask na ba?!
- BULGAR
- May 14, 2022
- 1 min read
ni Ryan Sison - @Boses | May 14, 2022
Posibleng tanggalin ang mandatory na pagsusuot ng face mask kung mas magiging mababa sa 200 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang sinabi ng isang vaccine expert ng Department of Science and Technology (DOST) sa isang online press briefing. Kung magtutuluy-tuloy aniya ang pagbaba ng COVID-19 cases nang dalawa hanggang tatlong buwan, posibleng hindi na maging mandatory ang face mask.
Ngunit paliwanag nito, malaking tulong ang face mask sa pagkontrol ng pandemya at naging mabisa ito upang hindi kumalat ang Omicron variant sa bansa.
Samantala, payo ng eksperto sa susunod na administrasyon, ipagpatuloy lamang ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon at paigtingin ang pagbabakuna.
Mahalaga rin aniyang palawakin ang healthcare facilities ng gobyerno bilang paghahanda sa anumang susulpot na nakahahawang sakit.
Maganda nga sana kung wala nang face mask dahil bukod sa dagdag-gastos ay dagdag-kalat din. Ngunit kung talagang kinakailangan para sa proteksiyon kontra virus, ‘di tayo dapat magmadali sa pagtanggal nito. Kumbaga, kung ‘di pa napapanahon, ‘wag nating ipilit.
Gayunman, bago ang lahat, kailangang disiplinado pa rin ang taumbayan. ‘Yung tipong, ‘pag sinabing bawal, bawal. Pero iba ang nakikita natin ngayon dahil ‘di pa man tinatanggal ang mandatory face mask, kapansin-pansing nakakalimot na sa tamang pagsusuot nito ang ilan nating kababayan.
Kaya kung gusto nating magluwag pa sa mga panuntunan, dapat maging bahagi tayo ng solusyon at hindi ng problema. Dahil kung magpapatuloy tayo sa pagpapasaway, walang “goodbye face mask” na mangyayari.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments