top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Good news sa mga manggagawa sa NCR

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 21, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 21, 2024



Boses by Ryan Sison


Ang pinakaaasam ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) na umento sa sahod ay posibleng mangyari sa susunod na buwan.


Nagpahayag kasi ng kumpiyansa ang Department of Labor and Employment (DOLE), na matapos maidaos ang public hearing nitong Huwebes, makakapaglabas na ng bagong wage order ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa NCR sa kalagitnaan ng Hulyo ng kasalukuyang taon.


Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, nakatitiyak siyang mag-iisyu ng wage order ang NCR wage board bago ang anibersaryo ng pinakahuling wage order sa Hulyo 16.


Sinabi rin ng kalihim na inaasahan nila na pagkatapos ng kanilang mga deliberasyon ay magkakaroon ng angkop na desisyon hinggil sa usapin at may positibong resulta sa prosesong isinasagawa ng RTWPB-NCR. 


Ipinaliwanag naman ni Laguesma na base sa kasaysayan, inaaprubahan ng RTWPB ang umento sa sahod matapos ang deliberasyon habang ang wage board ay walang awtoridad na bawasan ang sahod.


Matatandaang sinimulan ng RTWPB-NCR ang proseso noong May, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kahit wala pang petisyon para sa wage hike.  

Kamakailan ay isang pormal na petisyon na rin ang inihain ng mga labor group na humihingi ng P500 dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.


Sa ngayon ang daily minimum wage rate sa NCR ay P610.


Good news ito para sa lahat ng manggagawa sa Metro Manila sakaling maipatupad na ang umento sa kanilang mga sahod.


Mas madadagdagan na ang kanilang kita, kesa noon na nahihirapan na pagkasyahin ang kanilang bagyet para sa pamilya.


Subalit mahirap ding ito ay biglain, lalo na para sa mga maliliit na negosyo na nag-uumpisa pa rin namang makabangon.


Baka hindi rin nila makayanan at mas lalo silang mahirapan sa kanilang negosyo, gustuhin man nilang sumunod talaga sa kautusan para sa umento sa sahod ng kanilang mga empleyado.


Marahil, kahit siguro maliit lamang na maaaring hindi sapat, ang mahalaga ay magkaroon pa rin ng dagdag sa daily wage para sa mga manggagawa.


Sa kinauukulan, maging patas sana sa ilalabas na desisyon sa nasabing usapin nang sa gayon ay walang maagrabyado o madedehado.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page