top of page
Search
BULGAR

Good news sa mga mahihirap na pasyente

ni Ryan Sison @Boses | August 16, 2024



Boses by Ryan Sison

Good news para sa mga mahihirap na pasyenteng naka-confine sa mga ospital dahil sasagutin na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang gastos sa doctor’s professional fee simula October 30.


Ito ang inanunsiyo nina PCSO General Manager Melquiades Robles at Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Hector Santos Jr., matapos ang kanilang pulong kay House Speaker Martin Romualdez.


Ayon kay Robles, ang October 30 ay idineklara bilang araw ng pambansang kawanggawa o national charity day at naisip niyang ito ang pinakaangkop na ilunsad ang lahat, kung saan plano ng PCSO na sagutin ang professional fee ng mga doktor.


Dati aniya, ang kanilang ikino-cover lamang ay mga ospital, kuwarto, na hindi pa lahat ng kuwarto, pero ngayon ay iko-cover na rin nila ang professional fees ng mga doktor.

Sinabi ni Robles na dahil na rin sa pakiusap ni Speaker Romualdez sa PCSO at sa PMA ay nagkasundo-sundo na tatanggapin ng mga doktor ang guarantee letter o GL mula sa PCSO bilang professional fee.


Binanggit naman ng opisyal na mayroong iba’t ibang tulong medikal na ang maaaring makuha ng mga mahihirap na maysakit nating mga kababayan, kasama rito ang PhilHealth at Department of Social Welfare and Development (DSWD) o ang programang Financially Incapacitated Patients (MAIFIP). Pero marami pa ring pasyente ang nahihirapan na mabayaran ang professional fee ng mga doktor, kaya rito makatutulong umano ang bagong programa ng PCSO.


Mabuti ang naisip ng kinauukulan na bukod sa pampaospital ay sagutin na rin nila ang doctor’s fee para sa mga kababayan nating mahihirap na may sakit.

Sa ganitong paraan kasi ay maiibsan ang kanilang pasanin lalo na’t naka-confine sa mga ospital.


Kumbaga, wala na silang ibang aalalahanin pang gastusin sa ospital at kung paano babayaran ang doktor habang ang kanilang focus na lamang ay magpagaling.

Sana magkaroon pa ng mas maraming programa na talagang makatutulong at may pakinabang sa mga mamamayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page