Good news para sa edad 80 at 90
ni Ryan Sison @Boses | September 28, 2023
Good news para sa mga senior citizen dahil hindi na nila kailangan pang maghintay umabot ng hanggang sa 100 taong gulang para makatanggap ng cash gifts mula sa gobyerno.
Ito ay matapos na aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagdinig nitong Lunes, Setyembre 25, ang Senate Bill 2028, bagay na aamyenda sa “Centenarians Act of 2016” o Republic Act 10868.
Sakaling tuluyang maisabatas, makakatanggap ng regalong P10,000 ang mga senior citizen na aabot sa edad 80, habang bibigyan naman ng P20,000 ang mga 90-anyos.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, sa wakas, pati ang mga lolo’t lola natin na umabot ng 80 o hanggang 90 years old ay mabibiyayaan na rin ng regalo na maaaring makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at habang naghihintay sila ng mas malaking regalo pagdating nila ng 100 years old.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, tanging mga senior citizen na aabot ng 100 taong gulang lamang ang nakikinabang sa P100,000 cash gift na bigay ng gobyerno.
Aniya, bibihira na ang mga umaabot sa ganitong mga edad, kaya hindi gaano karaming kababayan ang nakikinabang sa benepisyong nakasaad sa “Act Recognizing The Octogenarians, Nonagenarians, And Centenarians”.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong 2022, umaabot lamang sa 8.5% ng populasyon ang senior citizens o 60-anyos pataas sa Pilipinas sa bilang na 9.22 milyon.
Mas kaunti rito ang mga 65-anyos pataas na nasa 5.85 milyon. At mas mababa pa rito ang mga umaabot naman ng edad 80 hanggang 90.
Bukod kay Gatchalian, kabilang din sa mga naghain ng panukala sina Sen. Bong Revilla, Sen. Koko Pimentel, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Imee Marcos, Sen. Bong Go, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Cynthia Villar, Sen. Joel Villanueva at Sen. Juan Miguel Zubiri.
Malaking tulong para sa ating mga senior citizen kapag naging batas na ang naturang panukala.
Mabibilang na rin kasi sa ating mga kamay ang umaabot talaga sa edad na 80 at 90.
Kadalasan naman, kahit na narating nila ang ganoong edad ay nagiging masasakitin, hirap na ring tumayo at lumakad, at kinakailangan na ng aalalay.
Sana nga ay maipatupad ito agad, para naman mas maging masaya pa ang mga nalalabing araw sa mundo ng ating mga senior citizen.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments