Gomezian, wagi sa SLLP; Tocque Bell, namatay
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 11, 2022
Sinikwat ni Gomezian ang panalo sa Condition Race noong Linggo ng gabi na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Isinunod lang ni jockey Oneal Cortez ang sinakyan nitong si Gomezian kay Gusto Mucho na humarurot agad sa unahan paglabas ng aparato.
Pero pagsapit ng far turn ay naagaw na ng anak nina Sakima at Hot Yoga na si Gomezian ang unahan at tumuloy-tuloy na ito sa finish line.
Nagwagi si Gomezian ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang si Stainmydreams, terserong tumawid sa meta si Downsideprotection habang pumang-apat si Gusto Mucho.
Inirehistro ni Gomezian ang tiyempong 1:27.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si AR Santos ang added prize na P10,000.
"Mahusay na kabayo si Gomezian, kayang sumabay sa matutulin na kabayo," saad ni Johnny Ladiana, veteran karerista.
Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nalungkot ang racing aficionados sa sinapit ng 4-Year-Old Horse na si Tocque Bell.
Tumakbo si Tocque Bell sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinasibat sa pang-limang karera, pero pagsapit ng back stretch ay nag-collapsed siya at namatay.
Nasaktan naman ang hineteng rumenda kay Tocque Bell na si dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez.
Si Fortissimo ang nagwagi sa nasabing race, inirehistro nito ang tiyempong 1:29 minuto sa 1,400 meter race.





Comments