Gomezian, magilas sa 3-YO Sprint ng SLLP
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | August 29, 2022
Nagpakitang-gilas ang Gomezian nang manalo sa katatapos na 2022 PHILRACOM 3-Year-Old Sprint Race na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, kahapon.
Inilista ni Gomezian ang 59.4 segundo sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ang P900,000 premyo sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nirendahan ni class A rider Oneal Cortez, humarurot agad sa largahan si Gomezian para makuha ang inaasam na panalo.
Dumating na segundo si Enigma Uno na sumikwat ng P337,500, terserong dumating si Eazacky habang pumang-apat si Club Kensai na nag-uwi ng tig-P187,500 at P75,000 ayon sa pagkakasunod. "Napakainam ngayon ni Gomezian, kahit sa mas mahabang distansiya kaya niyang manalo basta hindi magbabago ang kondisyon ng kabayo," sabi ni Guillermo "Owan" Dewilan, veteran karerista.
Humamig din ng P75,000 ang breeder ng winning horse.
Samantala, hindi naman nagpadaig si Ambisioso matapos sikwatin ang panalo sa Philracom Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa unang karera.
Inilista ni Ambisioso na sinakyan ni Jericho Serrano ang tiyempong 59.4 segundo sa 1,000 meter race, kinubra ng winning connection ang added prize na P20,000 habang ibinulsa ng horse owner ang karagdagang premyo na P5,000. Dumating na segundo si Luke Skywalker habang pangatlo si Iikot Lang.





Comments