Gomez kampeon sa Texas Tour

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | July 12, 2024

Muling gumawa ng ingay si Roberto Gomez sa larangan ng pagsargo nang makuha ng batikang Pinoy ang korona sa DL Billiards Tour Stop 4 na isinagawa sa Spring, Texas kamakailan.
Matatandaang nagkampeon din si "Superman" Gomez noong Mayo sa 9th Annual Buffalo's Pro Classic One Pocket. Buwan din ng nabanggit na buwan nang mangibabaw ang Pinoy sa Scotty Townsend Memorial 9-Ball Open (Los Angeles).
Sa DL Tour pa rin, malinis na kartada ang naging susi ni Gomez sa pag-akyat sa trono. Unang inalis ng dating World 9-Ball Championships runner-up sa kanyang daraanan si Leon Contreras sa isang hill-hill na salpukan, 7-6.
Pagkatapos nito ay isinunod niya sina Donald Proctor (7-2), Victor Rojas (7-0), Nick Hood (7-1) at Raed Shabib (7-2) para makapasok sa finals.
Naging dikdikan sa kabuuan ang naging takbo ng pangkampeonatong duwelo nila ni Tommy Tokoph na umahon naman mula sa one-loss bracket ng paligsahan. Pero sa dakong huli, nakahulagpos ang pambato ng Zamboanga para makandaduhan ang titulo sa iskor na 7-5.
Samantala, umakyat na sa pang-apat na baytang ng AZBilliards Moneyboard 2024 si Carlo Biado matapos ibulsa ang halagang $8,000 bilang tersera sa Maldives Open.
Sa nabanggit na talaan, si "Black Tiger" Biado ay may nakolekta nang $ 113,550 mula sa mga torneong nilahukan niya ngayong taon.





Comments