Golden Sunrise sinilat si Patong Patong
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 11, 2022
Hindi pinaporma ng dehadong Golden Sunrise si Patong Patong matapos manalo sa 2022 PHILRACOM Rating Based Handicapping System noong Linggo ng hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ginulat ni Golden Sunrise ang mga karerista nang bumanderang tapos ito sa nasabing event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Ginabayan ni jockey JB Guerra, humarurot sa largahan si Golden Sunrise upang kunin ang unahan habang ang liyamadong Patong Patong ay naiwanan sa pangatlong puwesto.
Dinikitan ni Winner Bidder si Golden Sunrise sa unahan pero hindi rin ito nakatagal kaya naman sa kalagitnaan ng karera ay kumawala na ang winning horse.
Pagsapit ng far turn ay mag-isa na lang sa unahan si Golden Sunrise habang si Patong Patong ay kumuha na ng pangalawang puwesto.
Unti-unting lumapit sa unahan si Patong Patong pagdating ng rektahan pero nanatili ang tikas ni Golden Sunrise kaya una pa rin itong tumawid sa meta. "Mahusay ang ipinakita ni Golden Sunrise, magaling na kabayo," ani Jericho Cortez, karerista.
Nirehistro ni Golden Sunrise ang 1:29.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng may-ari ang added prise na P10,000.
Samantala, nagpakitang gilas din si Fredie Wong sa isa pang PHILRACOM RBHS na kinasa sa race 7.
Nirendahan ni JD Flores, nagtala ng 1:33.4 tiyempo sa 1,400 meter race si Fredie Wong, kaya naibulsa ng horse owner na si LB De Leon ang karagdagang premyong P5,000.
Segundo si Minotaur habang dumating na tersero at pang-apat sina Silver Arrow at Kenkenrarabell ayon sa pagkakasunod.





Comments