Golden boy Yulo, atras sa Asian, tutok sa Olympic q'fier
ni Gerard Arce @Sports | February 2, 2023

Dibdiban ang gagawing pagsasanay at paghahanda ni two-time gymnastics World champion Carlos Edriel “Caloy” Yulo para muling makabalik sa Summer Olympic Games dahilan upang mamintis nito ang kompetisyon sa 19th Asian Games simula Setyembre 23 hanggang Oktubre 8 sa Hangzhou, China.
Nagpahayag ng kanyang pag-atras sa Asian Games simula Setyembre 23 hanggang Oktubre 8, ang 22-anyos na 2022 Asian Championships triple gold medalist upang pagtuunan ng pansin ang pagpasok sa 2024 Paris Olympics sa paglahok sa 2023 World Artistic Gymnastics Championships na nakatakdang ganapin simula Setyembre 29 hanggang Oktubre 8 sa Antwerp, Belgium.
Nagkataong magkauntugan ang petsa ng dalawang kumpetisyon, kung saan walang magagawa si Yulo kundi piliin ang world championship na magsisilbing Olympic qualifier. Ito ang isa sa mga pinupuntirya ng multi-gold medalists sa Southeast Asian Games upang makapagkwalipika sa Paris Olympics sa susunod na taon, bagay na matagal na inaasam na makabalik sapol ng masaklap na pwesto sa 2020+1 Tokyo Games.
Inaasahan ng mahihirapan ang Pilipinas na makakuha ng medalya sa Asian Games sa mga iiwang events ni Yulo na isa sa mga paboritong makakuha ng Floor Exercises, vault, parallel bars at iba pang mga events sa All-Around event.
Nakuha nito ang dalawang titulo sa World Championships nung 2019 Stuttgart sa Floor at 2021 Kitakyushu sa vault event at silver sa parallel bars, habang tatlong ginto sa 2022 Doha Asian Championships sa Floor, vault at parallel at silver sa All-Around event.
Planong higitan o pantayan ni Yulo ang limang gintong medalyang nasungkit sa Hanoi Games sa darating na biennial meet sa Cambodia simula Mayo 5-17, kung saan paborito siyang makapagwagi muli ng maraming medalya para sa Men’s Artistic Gymnastics.





Comments