top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Gobyerno ‘wag puro papogi, taas-presyo sa gas solusyunan

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 12, 2023
1 min read

@Editorial | September 12, 2023


Ngayong araw ay may inaasahan na namang panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.


Bukod sa mga drayber at operator, apektado rin ang mga kababayan nating mangingisda.


Daing ng isang malaking grupo, lumiliit na nang husto ang kanilang kita dahil sa napakataas na halaga ng petrolyo. Anila, pinabayaan na ng gobyerno ang sitwasyon na matindi ang epekto sa marginalized sector kasama na silang mga mangingisda.


Tinatayang umabot na sa P14.40 ang nadagdag sa presyo ng kada litro ng diesel sa sunud-sunod na pagtaas. Dahil dito, nadagdagan umano ng P173 ang gastos ng mangingisda para sa petrolyo o P833 kada magtutungo sila sa laot mula sa dating P660. Ayon pa sa kanila, 80 porsyento ng gastos sa pangingisda ay sa petrolyong ginagamit.

May iba na napipilitan nang bawasan ang oras sa pangingisda upang makatipid sa petrolyo at ito ay nagreresulta naman sa paghina pa ng kanilang kita. Mula sa anim hanggang walong oras na pangingisda, ito ay naging apat hanggang limang oras na lamang. Bukod pa rito, tatlo hanggang apat na araw sa isang linggo na lamang silang nangingisda mula sa dating lima hanggang anim na araw.


Kaya bukod sa mga tsuper, marapat ding pagtuunan ng ayuda ang mga mangingisda. Pakinggan din ang kanilang hinaing at tulungang makasabay sa epekto ng non-stop oil price hike. Tulad ng mga drayber, mayroon din silang pamilya na sinusuportahan.


Patunayan ng mga nasa gobyerno na hindi tinutulugan ang problema sa taas-presyo. Ipakita sana ng mga opisyal ang galing nila sa paglilingkod, sa pag-iisip ng solusyon at hindi puro papogi at pamumulitika.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page