top of page
Search
  • BULGAR

Gobyerno, todo-kayod para maabot ang 77-M target na fully vaxxed

ni Ryan Sison - @Boses | May 17, 2022


Matapos ang halalan, maaari nang “mag-full blast” sa pagbabakuna kontra COVID-19.


Kaugnay nito, target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 77 milyon o 85% ng targeted eligible population sa katapusan ng Hunyo ngayong taon.


Base sa huling datos, 68.5 milyong Pilipino na ang fully vaccinated, habang higit 13.5 milyon naman ang nakatanggap na ng booster shot.


Nakapagbakuna rin ng 7,407 indibidwal sa mga itinayong vaccination sites malapit sa polling precincts noong Mayo 9.


Gayunman, naniniwala ang National Vaccination Operations Center (NVOC) na may panahon pa para maabot ng pamahalaan ang naturang target kahit pa matatandaang bumagal ang pagbabakuna noong panahon ng kampanya.


Samantala, nagsasagawa rin ng special vaccination day ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil halos 28% pa lamang ng target ang fully vaccinated.


Bukod pa rito, nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa pinuno ng lokal na pamahalaan ng Bangsamoro para himukin ang mga residente na magpabakuna at magpa-booster sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo.


Ayon sa NVOC, may “last mile COVID vaccination strategy” ang gobyerno para sa nalalabing mga araw ng administrasyong Duterte. Kabilang na rito ang paghahanap sa mga nakaka-first dose pa lang, senior citizen at mga batang eligible na ‘di pa nababakunahan.


Gayundin, umaasa ang NVOC na sisikapin ng mga LGUs na makumpleto ang bakuna ng 70% ng kanilang target population.


Pitong rehiyon sa bansa ang hindi pa nakakaabot ng kanilang target, kabilang ang Bangsamoro, Soccskargen, Mimaropa, Bicol Region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at Caraga.


Magandang balita na balik ang pokus ng pamahalaan sa pagbabakuna kontra COVID-19.


Sa huling pagkakataon, ibubuhos na lahat ng kayang gawin bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Kaya sana, maabot natin ang mga lugar na talagang mababa pa ang vaccination turnout. Kumbaga, sila ang higit na nangangailangan ng bakuna at gobyerno ang makakapagbigay nito sa kanila.


Pero dapat kasabay nito ang pagbibigay-kaalaman tungkol sa bakuna upang mas marami pa tayong kababayan na makumbinsing magpabakuna, hindi lamang sa ilang lugar kundi sa buong bansa.


Kung tutuusin, kakayanin namang maabot ang target kung lahat ay makikiisa — mamamayan, lokal at nasyonal na pamahalaan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page