top of page
Search
  • BULGAR

Gobyerno, nagpasaklolo sa pribadong sektor para sa bakuna kontra pertussis

ni Ryan Sison @Boses | Abril 11, 2024



Bunsod ng naitatalang outbreaks sa mga siyudad at lalawigan sa bansa, humingi na ng tulong ang Department of Health (DOH) sa pribadong sektor sa gitna ng nakikita nilang kakapusan sa suplay ng bakuna kontra pertussis.


Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, kahit na sapat pa sa ngayon ang bakuna, unti-unti nang bumababa ang stock ng pentavalent vaccines o ang 5-in-1 vaccine na ibinabakuna laban sa pertussis, diphtheria, tetanus, hepatitis B at Haemophilus influenzae type B.


Batay sa datos ng DOH, nasa 64,000 doses ng pentavalent vaccines ang natitira na lamang na naipamahagi na rin sa mga lugar na may mataas na kaso ng pertussis.


Binigyang-diin ni Herbosa na bukas ang kagawaran sa mga gustong tumulong mula sa kanilang private sector partners.


Sinabi rin ng kalihim na ang 3 milyong doses ng pentavalent vaccine na binili ng gobyerno sa pamamagitan ng UN International Children’s Fund ay sa Hunyo pa darating.


Sa ngayon, mayroon pang DTP vaccines, ang bakunang nagbibigay ng proteksyon kontra diphtheria, tetanus at pertussis, na pupuwedeng magamit at iturok, habang hinihintay pa ng gobyerno ang paparating na batch ng pentavalent vaccine.


Mabuti at nagiging maagap na ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan lalo na pagdating sa ating kalusugan.


Dumarami na kasi ang mga naitatalang kaso ng pertussis habang tumataas din ang bilang ng mga nasasawi dahil sa naturang karamdaman.


Karamihan pa sa tinatamaan nito ay mga bata na talagang nakakaawang tingnan kapag may sakit.


Panawagan natin sa mga pribadong sektor na may kakayahan na piliing tumulong sa ating pamahalaan para masugpo at hindi na kumalat pa ang sakit na pertussis. Gayundin sana ang gawin ng iba nating mga kababayan na kaya namang tumulong at magbigay. 


Alalahanin natin palagi ang naging karanasan natin noong COVID-19, na dahil sa sama-sama at pagtutulungan ng bawat isa sa atin ay nakaahon tayo sa matinding pandemya.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page