Gobyerno, may malaking obligasyon sa endo
ni Ryan Sison - @Boses | July 8, 2022
Bukas ang Department of Labor and Employment (DOLE) na muling talakayin ang isyu sa pagitan ng mga manggagawa at employers, partikular ang kontraktuwalisasyon.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, isa sa marching order ng Marcos administration para sa kagawaran ay ang sumailalim sa konsultasyon sa lahat ng concerned sectors upang matiyak na agarang matutugunan ang mga problemang ito.
Bilang unang hakbang, nagsagawa ng dayalogo sa labor groups ang kalihim, ilang linggo bago umupo sa puwesto at nakatakda ring makipag-usap sa management sector.
Sa ngayon, nakikita umano ng kalihim na malaking isyu sa contractual arrangement ang endo, kung saan tinatapos ang pagseserbisyo kahit dapat pang ipagpatuloy.
Marami aniyang manggagawa na kuwalipikado at dapat maging regular at ‘yun ang dapat maging panuntunan ng DOLE.
Kung tutuusin, isa sa mga dahilan ng mataas na unemployment rate sa bansa ay ang endo.
Malaking balakid ito para sa mga kontraktuwal na manggagawa dahil matapos ma-endo, balik-tambay at maghihintay na naman ng bagong oportunidad. At kung magtutuluy-tuloy ang sistema, dadami lang ang tambay o mas pipiliin nilang mangibang-bansa.
Kaya sa totoo lang, nasa gobyerno pa rin ang solusyon — lumikha ng maraming trabaho at palakasin ang human capital ng bansa.
Pakiusap sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti at agad na aksiyunan ang mga dapat tutukan.
Maraming umaasa na sa pagkakataong ito ay mapagbibigyan na ang kanilang hiling na tapusin ang endo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments