Gobyerno, kailangang mag-level up kontra text scam
ni Ryan Sison - @Boses | September 15, 2022
Bukod sa mas ‘personalized’ na ang mga text scam ngayon dahil nalalaman na ng mga scammer ang pangalan ng may-ari ng cellphone number, ngayon ay may laman na ring mga link ang mga naturang text.
Dahil dito, ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pag-block o pag-deactivate sa ilang maanomalyang websites na inilalagay ng mga kawatan sa mga text messages.
Sa memorandum ng komisyon na may petsang ika-12 ng Setyembre, inutusan na umano ang mga telco na i-block o i-deactivate ang mga Uniform Resource Locators (URLs), TinyURLs, Smart Links at QR codes mula sa kahina-hinalang websites na pinutol mula sa existing database ng NTC, National Privacy Commission (NPC), Department of Trade and Industry (DTI), law enforcement agencies, subscriber reports at mga na-generate o nabuo mula sa machine learning o artificial intelligence (AI).
Ang naturang hakbang ay kasunod ng pagpuna ng isang senador sa kabiguan ng NTC na masawata ang mga naturang scam, gayung 800 messages lamang ang kanilang na-block ngayong taon. Ang bagong siste ng scam, binabanggit sa text na nanalo diumano ng jackpot price o kung anu-anong papremyo ang target na biktima, habang hinihiling na i-click ang isang website para makuha umano ang premyo. Gayundin, nakalagay sa text ang personal na impormasyon ng may-ari ng cellphone number, na nagiging dahilan para paniwalaan ang naturang pagkapanalo.
Tinatawag itong “smishing” na nagagamit para makakuha ng personal na impormasyon sa mga biktima tulad ng password o credit card numbers.
Sa totoo lang, nakakabahala na dahil imbes na nasasawata, tila lalo pang lumalala ang panloloko. Ang masaklap pa, sa kabila ng mga paalala at babala, marami pa ring nabibiktima. At habang tumatagal ay lalo silang nakakaisip ng mga bagong paraan para makapambiktima.
Marahil, hindi sapat na paalalahanan lang ang publiko, tingin natin ay kailangan nang mag-level up ng mga kinauukulan upang matuldukan na ang naturang scam.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments