Gobyerno, isip-isip ng paraan vs. non-stop oil price hike
@Editorial | August 6, 2023
Tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito na ang magiging ikalimang linggo ng price hike sa diesel at kerosene habang pang-apat naman sa gasolina.
Batay sa Oil Industry Management Bureau, posibleng tumaas ng mula P3.40 hanggang P3.60 kada litro ang diesel batay sa apat na araw na oil trading.
Maaari namang tumaas ng P2.45 hanggang P2.65 per liter sa kerosene at sa gasolina naman ay madadagdagan ng 15 sentimos hanggang 35 sentimos.
Ang inaasahang oil price hike ay epekto pa rin umano ng anunsyo ng Saudi Arabia na magbabawas sila ng kanilang produksyon.
Ang ibig sabihin nito, mapapailing na naman hindi lang ang mga motorista kundi maging ang mga negosyante at konsyumer. Batid naman natin na kapag nagtaas ang presyo ng petrolyo, asahan na ang domino effect, magtataas din ang mga bilihin at singilin.
Kaya ang apela sa gobyerno, mas maging masigasig sa pag-iisip ng paraan kung paano makakasabay sa non-stop oil price hike. Wala man tayong kakayahan na pigilan ang taas-presyo, sana ay magkaroon pa rin ng panlaban o paraan kung paano matutugunan ang dagdag-gastusin.



Comments