Gobyerno, galaw-galaw sa non-stop price hike
@Editorial | Enero 15, 2023
Hindi na tayo tinantanan ng taas-presyo. Bago matapos ang taon hanggang sa pagpasok ng 2023, sunud-sunod ang price hike.
Kaugnay nito, nakatakdang maglabas ng bagong Suggested Retail Price (SRP) sa mga pangunahing bilihin ang Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa pamunuan ng DTI, nagkaroon ng epekto sa mga presyo ng bilihin ang ilang kaganapan tulad ng inflation na nararanasan sa ibang bansa.
Isa rin na dahilan para magpatupad ng mahigpit ng price control ay ang desisyon ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng mga pulang sibuyas. Bagay na isa sa mga ikinadidismaya ngayon ng ating mga magsasaka. Bakit nga naman kung kailan mag-aanihan, saka pa lang nag-import at hindi noong panahong mataas ang demand at kapos ang suplay? Tila magkakaroon pa ng kompetisyon at kawawa na naman ang mga local farmers. Sablay na naman ang diskarte.
Kaugnay nga ng inaasahang paglalabas ng bagong price matrix ng mga pangunahing bilihin, umaasa tayo na maipatutupad ito at mababantayang maigi.
Batid naman natin na sadyang may ilan na abusado at talagang ginagamit ang pagkakataon para makapanlamang.
Kailangang doblehin ang kayod sa pag-iikot sa mga pamilihan para walang pasaway.
Bukod sa tamang presyo, bantayan din ang timbangan at kalidad ng mga produkto. Minsan, sa kagustuhang kumita ng iba, nanloloko na.
Tandaan natin, hindi lisensya ang taas-presyo para mang-abuso ng kapwa. Ibigay natin ang tamang presyo at maayos na produkto.
Sa lahat ng ito, umaasa tayo na malalampasan din natin ang kahirapan. Basta nagtutulungan ang lahat at mawawala na ang mga pasaway, lalo na sa gobyerno.



Comments