top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Gobyerno, dapat umaksyon sa “great resignation trend”

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 15, 2023
1 min read

@Editorial | November 15, 2023


Sa gitna ng kaliwa’t kanang mga kaganapan sa mundo ng pulitika, isang usapin naman ang ikinababahala ngayon sa hanay ng mga manggagawa.


Kung saan, isang mambabatas ang nagbabala at umapela sa gobyerno na tugunan ang tinatawag na “Great Resignation Trend” o malaking bilang ng nagbibitiw sa Pilipinas.


Kailangan na umanong gumawa ng mga hakbang sa pagtugon dito tulad ng pag-certify bilang urgent sa panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod ng mga manggagawa.


Ipinaliwanag na ang ‘Great Resignation’ ay isang phenomenon na naobserbahan sa buong mundo matapos ang pagtama ng COVID-19 pandemic noong 2021 at may malaking epekto sa iba’t ibang industriya sa bansa.


Kasama sa naobserbahan ay ang puwersang pag-alis sa trabaho ng mga empleyado dahil sa mababang pasahod na lumala dahil sa pagsipa ng taas-presyo, hindi kontento sa trabaho, kawalan ng promosyon sa trabaho at benepisyo gayundin ang mga polisiya ng mga employer na hindi pinaprayoridad ang well-being o kapakanan ng kanilang empleyado.


Hindi lang ito usapin sa pangangailangan ng bawat manggagawang Pilipino kundi ng magiging kalagayan ng bansa sa hinaharap.


Kung babagsak ang lakas-paggawa, paano uusad ang ekonomiya?


Bukod sa mga manggagawa, hirap din ang mga negosyo, dahil hanggang ngayon ay marami pa rin ang lugi dulot ng pandemya at nagsisikap na makabalik sa sirkulasyon.


Kailangan din nila ng tulong para may maibigay na maayos na pasahod at benepisyo sa kanilang mga tauhan.


Kung nagagawang gumastos ng bilyones sa mga programa at proyekto na tila hindi naman ramdam ng taumbayan, bakit hindi sa mga pangunahing pangangailangan?


Unahin muna sana ang mga problema na ‘ika nga’y mas malapit sa sikmura. Tigilan na ang puro pamumulitika, matagal pa ang eleksyon, magtrabaho muna!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page