Gobyerno, dapat maging mas mautak laban sa mga hackers
@Editorial | April 24, 2023
Kasunod ng mga ulat na data breach sa ilang government agencies, tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na walang hacking incident.
Pinabulaanan din ng ahensya ang report ng massive data breach. Kaugnay ito sa pinangangambahan ng publiko na umano’y leak ng mahigit 1.2 million records ng mga empleyado at aplikante ng iba’t ibang institusyon.
Ayon sa DICT, nagresulta ang misconfiguration para maging accessible ang ilang impormasyon sa publiko, subalit hindi umano ito pagtatangka na labagin ang security protocols ng isang partikular na ahensya ng gobyerno.
Natukoy na rin umano ng mga awtoridad ang posibleng source ng leak, subalit hindi na ito idinetalye pa dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Batid naman natin na ang pagkakalantad ng mga personal na impormasyon ay maaaring magamit para sa criminal activities at mga kaakibat na security risks.
Sabihin man na walang hacking, dapat na maging mas maingat at mautak ang gobyerno laban sa mga hackers. Anumang pangyayari na hindi normal, dapat nating isipin na posibleng may problema o magkaproblema.



Comments