Gobyerno, dapat laging handa sa pagdagsa ng mga biyahero
- BULGAR
- Dec 29, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 29, 2023
Abiso sa mga nagnanais na umuwi sa kani-kanilang mga probinsya para makasama ang pamilya at salubungin ang Bagong Taon na ngayon pa lamang ay humanap na ng alternatibong masasakyan.
Ilan kasing regular o non-airconditioned bus trips mula sa mga terminal sa Cubao, Quezon City at ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) patungong Bicol at Visayas ay fully booked na hanggang December 30, bago pa ang New Year’s Eve at mismong pagdiriwang ng Bagong Taon.
Kabilang dito ang mga biyahe papuntang Daet, Camarines Norte, Tabaco at Legazpi sa Albay, gayundin ang mga biyahe sa Tacloban at Ormoc sa Leyte.
Ayon sa mga ticket seller ng terminal, ang pag-asa lamang ng mga pasahero na kung magkakaroon sila ng extra bus ay makakasakay sila, habang ang iba ay chance passenger. Ginagawan naman nila ng paraan para sa mga gustong umuwi sa kanilang probinsya na kapag may bakante ay pinapasakay nila agad.
Nitong Miyerkules, libu-libong pasahero ang dumagsa sa PITX para bumili ng ticket sa bus at umuwi na sa kanilang probinsya upang ipagdiwang ang Bagong Taon kasama ng pamilya.
May mga pasahero rin na bitbit ang kanilang mga alagang hayop para magbakasyon na ng isang linggo, na ang iba ay patungo sa San Juan, Batangas.
Batay sa pamunuan, pinapayagan naman nila na dalhin ng mga pasahero ang kanilang mga alagang hayop, pero may mga bayad ang mga ito at kailangang mayroong cage, o kaya carrier para maisakay sila sa bus.
Matatandaang nitong Kapaskuhan ay umabot sa mahigit 1.6 milyong pasahero ang nagtungo sa PITX, kung saan nalampasan ang bilang ng naturang terminal noong 2022.
Sinabi ni PITX corporate affairs officer Kolyn Calbasa na nakapagtala ang terminal ng kabuuang 1,684,597 foot traffic mula December 15 hanggang 26.
Aniya pa, ang pinakamataas na bilang ng pasahero sa PITX ay naitala noong Sabado, December 23, na humigit-kumulang 240,000.
Inaasahan naman ang matinding pagdami ng mga pasahero na maaaring umabot sa 2.6 milyon hanggang January 3, 2024.
Dagsa na talaga ang ating mga kababayan na gustong makauwi sa kanilang probinsya para makasama nang mahaba-haba ang kanilang pamilya.
Sa ngayon dahil sa fully booked na ang mga bus terminal natin at posibleng ganu’n sa mga pantalan at a
irports ay mahihirapan na sila nang husto na makasakay at bumiyahe pa.
Kung hindi talaga makakakuha ng alternatibong paraan para makauwi at makasama ang pamilya sa pagsalubong sa Bagong Taon, siguro ay gawin nating mag-video call o tawagan na lamang natin sila.
Huwag na tayong magpilit na sumiksik pa sa mga bus at iba pang public transport para makasakay dahil tayo rin ang mahihirapan at maaaring malagay lamang tayo sa alanganin.
Sa kinauukulan, sana ay madagdagan pa ang mailaan na transportasyon sa ating mga kababayan para maging maayos at payapa ang kanilang pagbiyahe at makasama ang kanilang pamilya sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments