top of page
Search
  • BULGAR

Gobyerno at publiko, maging mas mautak vs. cybercriminals

@Editorial | July 10, 2023


Aminado ang kapulisan na sa kabila ng ipinatutupad na SIM card registration ay tumataas pa rin ang kaso ng cybercrime partikular sa Metro Manila.


Ayon sa Philippine National Police (PNP), 152% ang itinaas ng cybercrime sa unang kalahati ng taon.


Kung saan, mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, hindi bababa sa 6,250 cybercrimes ang naiulat sa pulisya. Mas mataas ito sa 2,477 na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Talamak pa rin ang online scam na umabot sa 4,446 cases — grabeng pagtaas mula sa 1,551 na insidente noong nakaraang taon.


Nakatanggap din ang pulisya ng hindi bababa sa 1,063 kaso ng ilegal na pag-access sa online sa unang anim na buwan ng 2023 — doble sa 570 kaso noong 2022.


Tumaas din ang pandaraya sa ATM at credit card sa unang kalahati ng taon na may 625 kaso, na lumala mula sa 241 na naitalang insidente sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Ang nakakalungkot, sa kabila ng SIM registration, posible pa umanong lumala ang cybercrime dahil sa mga malware sa internet, technological development at kapabayaan sa online users.


Kaya nananatiling hamon sa gobyerno at publiko ang paglaban sa mga cybercriminals.


Gawin pa sanang mas epektibo ang mga programa at batas laban sa mga abusadong ito. Kailangang maging mas mautak, huwag magpapabiktima at magkaisa para tuluyang matapos o mabawasan man lang ang kaso ng cybercrime.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page