Gobyerno at publiko, dapat joint forces kontra kriminal
@Editorial | September 24, 2022
Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ang crime rate sa bansa ng 59% sa loob ng dalawang araw.
Batay sa data ng PNP Crime Research Analysis Center, nakapagtala ng 34 index crimes noong Setyembre 19 na mas mababa kumpara sa naitalang 83 incidents noong Setyembre 18.
Kabilang sa index crimes ang mga offenses gaya ng murder, homicide, physical injury, panggagahasa at pagnanakaw.
Bumaba rin ang kaso ng illegal gambling o pagsusugal.
Ang paglalabas ng impormasyon ng PNP sa crime rate ay kasunod ng napaulat sa ilang social media platforms na umano’y pagtaas ng krimen sa bansa.
Isa sa masasabi nating malaking tulong ay ang mas pinalawak at pinaigting na police visibility.
Mapapansin ang mga checkpoint sa kalsada na pinangungunahan ng mga pulis. Masipag din sa pag-iikot ang mga tanod sa mga barangay. Marami ring sumasamang volunteer na mga nanay at tatay sa pagpapatrulya para masaway ang mga gumagala, lalo na ang kabataan.
Sa pamamagitan nito, mahaharang ang mga ilegal na bagay at gawin. Mas mababantayan ang komunidad at maiiwasan ang krimen.
At bilang mamamayan, bukod sa pagtalima sa batas, responsibilidad din nating mapangalagaan ang sarili at ang ating pamilya. Huwag tayong makalimot na maging disiplinado, ipaalala, lalo na sa kabataan na umiwas sa gulo.
Ang pagkakaroon ng maayos at mapayapang pamayanan ay napakalaking ambag sa pagbangon at pag-unlad ng ating bansa.
Kung walang krimen, walang gastos, walang mapapahamak, pare-parehong maginhawa at masaya ang ating pamumuhay.



Comments