Search
  • BULGAR

GMRC at Values Education...

malaking tulong para mas mapagtibay at maitaguyod ang karakter at kagandahang asal ng kabataang mag-aaral

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 30, 2020


Magandang balita sapagkat napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang Good Manners and Right Conduct (GMRC) and Values Education Act (Republic Act 11476) para sa ating K to 12 learners.


Sa bago nating batas ay mas mapagtitibay at maitataguyod ang karakter at kagandahang asal ng ating mga kabataang mag-aaral, lalo’t higit sa panahon natin ngayon ng ‘new normal’ kung saan hinihikayat ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa sistema ng edukasyon.


Ngayon ang panahon kung saan higit na kailangan ng mga estudyante ng gabay sa kanilang mga pananalita, pagkilos, pakikipagkapwa-tao at pag-iisip lalo na’t napapaligiran ang mga bata ngayon ng iba’t ibang social media sites na maaaring makapanlinlang sa kanila o di kaya ay makasira sa kanilang moral.

Sa ilalim ng naturang batas, maaaring magsagawa ng mga aktibidad ang mga paaralan na huhubog sa karakter ng mga mag-aaral, tulad ng dula-duladaan sa klase, pakikipagkapwa-tao, pagtutulungan ng mga magulang at mga guro, at marami pang iba.


Ngunit dahil sa ilang limitasyon ngayong paparating na pasukan, tulad ng pagbabawal sa face-to-face classes habang wala pang nadidiskubreng bakuna laban sa COVID-19, hindi maiiwasang maapektuhan ang mga character-building activities na ito. Gayunpaman, umaasa tayong makakabangon mula sa krisis at kalaunan ay mararanasan din ng mga mag-aaral ang iba’t ibang uri ng tinatawag nating experiential learning.


Papalitan ng GMRC ang kasalukuyang subject na Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP) para sa mga estudyante ng Grade 1 hanggang Grade 6, habang Values Education naman sa mga Grade 7 hanggang Grade 10. Para sa mga Grade 11 at Grade 12 naman ay isasama ang Values Education sa mga subject na mayroon sila ngayon.


Bukod dito, malulutas na rin ang suliranin sa ‘mismatch’ ng mga guro at kapasidad nilang magturo ng kanilang field of expertise. Lumalabas sa datos na 70 hanggang 90 porsiyento ng mga nagtuturo ng Values Education ay hindi sertipikadong magturo nito. Sa ilalim ng bagong batas, hahawakan na ito ng mga gurong mayroong sertipikasyon, diploma at mga pormal na pagsasanay kaugnay ng values education.


Malaki man ang pagbabago sa paraan ng pagtuturo ngayong taon dahil sa COVID-19, kailangang patuloy ang pagtuturo natin sa mga kabataang Pilipino ng magandang-asal. At dahil batas na ang panukalang pagtuturo ng GMRC at Values Education sa ating mga paaralan, umaasa tayong bukod sa paghulma ng katalinuhan ng mga bata, makakatulong ito nang malaki sa paghulma ng kanilang karakter at pag-uugali.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.