GMA-7, kaya raw nilayasan… WILLIE, KASOSYO AT MANAGER NG TV NETWORK NI VILLAR
- BULGAR
- Feb 8, 2022
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | February 08, 2022

Ang dami-daming naglalabasang espekulasyon kaugnay ng desisyon ni Willie Revillame na lisanin ang GMA Network.
May mga nagsasabing marahil ay napagod na rin ang Wowowin host at gusto munang magpahinga sa pagho-host ng kanyang game show. Napapadalas kasi ang kanyang pagkakasakit at halos nagkakapaus-paos na siya at nawawalan ng boses. Mahigit anim na taon na dire-diretso siya sa pagho-host ng Wowowin na araw-araw napapanood sa GMA-7.
May ilan naman ang nagsasabing medyo na-depressed si Revillame dahil nitong dalawang taon na may COVID pandemic ay nalugi siya ng P140 M.
Si Willie ang tumatayong producer ng Wowowin/Tutok to Win at kahit na sa panahon ng pandemya ay hindi niya inihinto ang Wowowin. Kung saan-saan niya dinadala ang show para tuluy-tuloy na mapanood ng kanilang mga suking viewers.
Minsan, nasa Clark, Pampanga sila. Dinala rin ito ni Willie sa kanyang rest house sa Tagaytay.
At maging sa rest house niya sa Puerto Galera ay bitbit ni Revillame ang Wowowin.
Maraming hirap ang dinanas ni Willie sa kagustuhan niyang maitawid ang Wowowin. Hangga't maaari ay ayaw niyang bitawan ang programang kanyang binuo at pinagpaguran. Inisip din niya ang mga loyal viewers ng Wowowin.
Pero, hindi robot si Willie, napapagod din ang kanyang isip at katawan. At kasabay nga ng pagpasok ng 2022, Year of the Water Tiger, may desisyon siyang ginawa na babago sa senaryo ng kanyang buhay.
May umiikot na espekulasyon na marahil, kasosyo siya sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni Manny Villar kaya nagawa niyang iwanan ang GMA Network, at diumano, siya na ang magpapalakad ng AMBS.
Malaking challenge ito sa kakayahan ni Revillame. Kung napagod man siya sa pagho-host ng Wowowin, may mga pagbabago siyang gagawin sa kanyang career. Masusubok ang kanyang kakayahan sa bagong hamon na kailangan niyang harapin.
At 61, wala pa nga sa bokabularyo ni Willie ang pagreretiro. Marami pa siyang gustong gawin at patunayan.




Comments