GLORIA: TRANS AT SINGLE MOMS, 'WAG SUMALI SA MISS U
- BULGAR
- May 12, 2023
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 12, 2023

Hindi pabor ang 1969 Miss Universe na si Gloria Diaz na payagan ang mga transgender, maging ang mga may asawa na at single moms, na maging kandidata at lumaban para sa Miss Universe 2023 beauty pageant.
Para kasi sa dating beauty queen, mababago na ang image ng Miss Universe na itinuturing bilang most prestigious beauty pageant sa buong mundo.
Dagdag pa ni Gloria, hindi raw magiging fair para sa mga kandidatang tunay na babae kung pahihintulutan ang mga transgender people na sumali sa nasabing beauty pageant.
Ayon pa sa dating beauty queen, sa usaping pisikal ay mas malakas ang mga transgender people kumpara sa mga tunay na babae. At ang lakas na ito ay maaari nilang magamit sa kanilang advantage upang magpakitang-gilas sa talent portion ng nasabing beauty pageant.
For sure, kaisa rin sa opinyon ni Gloria ang iba pang dating nanalong Miss Universe na certified world-class din ang kagandahan.
Sey pa ng dating beauty queen, dapat daw na magkaroon ng sarili nilang beauty pageant ang mga transgender, mga babaeng may asawa na, pati na rin ang mga single moms.
Samantala, tatlong kandidata na may asawa na ang kabilang sa mga makikipaglaban sa darating na Miss Universe-Philippines 2023 ngayong Sabado, May 13.
Ang mga aktor na sina Alden Richards at Xian Lim ang mga napiling hosts para sa nasabing beauty pageant.
Ipapalabas ang Miss Universe-Philippines 2023 sa ABS-CBN sa pamamagitan ng digital streaming platforms tulad ng TFC, IWantTV at YouTube. Magkakaroon naman ng delayed telecast ang GMA-7.
Well, ang Thai billionaire na si Anne Jakrajutatip ang nakabili at bagong nagmamay-ari ng Miss Universe, kaya may mga pagbabagong magaganap sa nasabing beauty pageant.
Nabili ni Anne ang Miss Universe beauty pageant last year (2022) sa halagang US$20 M.
Si Anne ang tinaguriang "richest transgender in Asia" ngayon. Maraming negosyo ang Thai businesswoman, kaya't na-achieve niya ang kanyang billionaire status.
Bukod du'n, ang advocacy niya ay ang ipaglaban ang karapatan ng mga transgender people tulad niya sa mundong ito.





Comments