Ginebra, nag-kampeon na! Tenorio, sumiklab sa 30 pts.

ni GA - @Sports | April 23, 2022

Nakamit ng Brgy. Ginebra San Miguel ang kanilang ika-14th titulo ngayong gabi nang tapusin ang kanilang best-of-seven serye sa 4-2 kontra Meralco Bolts sa pamamagitan ng 103-92 sa Game 6 ng 2021 Honda PBA Governors' Cup sa dinumog ng mahigit sa 20,000 nanood sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakapantay na ang Gin Kings sa bilang ng kampeonato na nakuha ng Alaska Aces kasunod ng panalo sa import-laden conference, habang naibulsa ni Ginebra Head Coach Tim Cone ang kanyang ika-24th title at ika-6th sa poder ng Gin Kings.
Bumira ng malupit na laro si LA Tenorio sa 30pts, 4 rebounds at 4 assists sa 13-of-26 shooting para pagbidahan ang Gin Kings. Nag-ambag ng 24pts, 16rebs at 6 assists si Justine Brownlee na nakuha ang kanyang ika-5th title bilang import ng Gin Kings. Nag-ambag ng 19pts at 13rebs si Christian Standhardinger at Scottie Thompson sa 15pts.
Sa ikaapat na pagkakataon ay muling tumapos nang runnerup ang Meralco sa Gin Kings sa Governors' Cup na pinangunahan naman ni import Tony Bishop sa 21pts at 16 rebs, na sinundan ni Arron Black sa 18pts, Allein Maliksi sa 15pts at tig-11pts nina Chris Newsome at Raymond Almazan.
Maagang kinuha ng Meralco ang kalamangan sa first quarter sa bisa ng 24-19 matapos ang magandang panimula nina Black, Maliksi at Bishop, subalit sunod-sunod na kinamada ni Standhardinger ang mga baskets katulong sina Tenorio, Thompson at Brownlee upang maitabla ang laro sa 47-47 sa pagtatapos ng first half.
Sa third period ay bumira ng magkasunod na baskets sina Tenorio at Brownlee upang makasingit ng katamtamang bentahe sa pagpasok ng laro sa final period sa 78-73.
Nagpatuloy sa pagratsada ang Gin Kings sa pagpasok ng fourth period, mula 85-80 na bentahe ay bumira ng 11-0 run ang Ginebra upang kunin ang biggest lead sa 16 sa 96-80, sa nalalabing 4:35 mula sa tres ni Brownlee.





Comments