top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ginang, na-trap sa sunog, patay

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 23, 2022
1 min read

ni Lolet Abania | September 23, 2022



Isang ginang ang nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang tirahan sa Pasig City, madaling-araw ngayong Biyernes.


Kinilala ang biktima na si Melanie Gonzales, na natagpuan ng mga awtoridad sa loob ng banyo ng inuupahan nilang bahay makaraan ang sunog.


Ayon sa Bureau of Fire Protection-Pasig City, pasado alas-2:30 ng madaling-araw, sumiklab ang sunog sa Sampaguita St., De Castro Subdivision, Barangay Sta. Lucia, ng naturang lungsod.


Sa ulat, ginising umano ng biktima ang kanyang pamilya para makalabas ng bahay. Subalit, nagpaiwan umano ito para subukang apulahin ang apoy.


Nakalabas ng bahay ang kanyang 16-anyos na anak na lalaki, kung saan nagtamo ng second degree burns sa kanang braso at lapnos sa katawan habang agad itong naisugod sa ospital.


Namamasada naman ang asawa ng biktima na si Ernesto, kaya wala ito sa kanilang bahay nang sumiklab ang sunog.


“Sa tingin ko po may binalikan siya kasi tinawag siya ng anak ko, sabi ng anak ko, ‘Labas na tayo, Ma.’ Hindi na daw sumasagot, so nakita nila ngayon nasa loob ng CR. Palagay ko kumuha ng tubig gusto niyang apulahin, hindi na nakayanan siguro so na-suffocate na siya,” saad ni Ernesto.


Sinabi pa ng mga kapitbahay ng biktima, sinubukan nilang iligtas ang ginang subalit tuluyan itong na-trap sa nasusunog na bahay.


Ayon sa BFP-Pasig, sa sala nagsimula ang sunog habang mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa semi-light materials ang bahay. Naapula ang apoy makalipas ang nasa isa at kalahating oras.


Paalala naman ng BFP sa publiko, iwasan na bumalik sa nasusunog na bahay upang hindi ma-trap sa apoy.


Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang naging sanhi ng sunog.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page