Gilas Youth pasok na sa Q'finals ng FIBA U18 Asia Cup
- BULGAR

- 7 hours ago
- 1 min read
ni Anthony Servinio @Sports | August 20, 2026

Photo: Ang mainit na bakbakan ng Gilas Youth vs. Syria kung saan humantong pa sa muntik na sapakan sa court kahapon. (Smart Sports)
Laro ngayong Biyernes - Savarkar TBA Pilipinas vs. Tsina
Nilampasan ng Gilas Pilipinas ang hamon ng Syria, 72-63, at pumasok sa quarterfinals ng FIBA U18 Asia Cup India 2026 kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium, Ahmedabad.
Sunod na haharapin ng mga Pinoy ang walang talong Tsina ngayong Biyernes. Kontrolado ng Syria ang unang tatlong quarter at naglabas ng lakas ang Gilas.
Lamang ang Syria, 44-42, pero ipinasok ng Pilipinas ang siyam na puntos sa loob ng huling 90 segundo ng pangatlong quarter sa likod nina Aiden Green, Chog Moral at JB Cagurungan para maging 51-44.
Lumaki ito sa 69-58 sa mga atake nina Ethan Aguas, Bruce Tubongbanua at Green. Sa gitna ng mga tangkang bumalik ng Syria, inihatid nina Luke Atacador at Patrick Pasinos ang mga paniguradong buslo sa huling minuto.
Nanguna si Green na may 18. Pumukol na apat na three-points si Cagurungan para sa 12 at nagdagdag ng 10 si Tubongbanua.
Double-double sa Syria si 6'11" Majak Majak na 20 at 13 rebounds. Sumunod sina guwardiya Taym Aldassouki na may 15 at forward Yehia Kassas na may 14.





Comments