Gilas tinambakan ang India; AFF Women's C'ship simula na
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 4, 2022

Makakasaksi ng mataas na antas ng Women’s Football simula ngayong Lunes sa pagbubukas ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship. Agad masusubukan ang kakayahan ng host Filipinas sa kanilang pagharap sa bigating Australia sa Rizal Memorial Stadium ng Maynila simula 7:00 ng gabi.
Para sa mga Filipinas, nagagalak sila at magkakaroon na sila ng pagkakataon na maglaro sa harap ng kanilang kababayan. Huling napanood ang koponan sa 30th Southeast Asian Games noong Disyembre, 2019 at may ilang mga baguhang manlalaro na makakalaro sa Pilipinas sa unang pagkakataon.
Hindi ipinadala ng Australia ang koponan na lumahok sa Women’s Asian Cup at sa halip ay kakatawanin ng mga manlalaro na karamihan ay edad 23 pababa. Kahit wala ang mga superstar, nanantili pa rin mabigat na kalaban ang mga Australyana ni Coach Melissa Andreatta.
Tampok pa rin sa Filipinas ang mga pambato na sina Sarina Bolden, Quinley Quezada at Katrina Guillou na aasahan na maghahatid ng mga goal. Para sa depensa, mamimili si Coach Stajcicsa mga matitibay na goalkeeper na sina Olivia McDaniel, Inna Palacios at Kiara Fontanilla.
Magbabalik ang karamihan ng mga nakauwi ng makasaysayang medalyang tanso sa 31st Southeast Asian Games Vietnam na sa pangunguna ni kapitana Tahnai Annis at bise-kapitana Hali Long. Nandiyan din sina Cam Rodriguez, Anicka Castaneda, Malea Cesar, Ryley Bugay, Jessica Miclat, Sofia Harrison, Dominique Randle, Isabellea Flanigan, Carleigh Frilles, Eva Madarang, Jaclyn Sawicki at Chantelle Maniti at mga idinagdag na sina Alisha del Campo, Tara Shelton, Sara Eggesvik, Jessika Cowart, Kaya Hawkinson at Alyssa Ube.
Samantala, naduplika ng Gilas Pilipinas ang unang panalo sa India sa bakbakan nila sa third window kagabi ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena, 79-63. Sa unang window, ginapi ng Gilas ang India, 88-64 kung saan sina Dwight Ramos at Thirdy Ravena ang bumida. Kagabi si Ramos ang nanguna para sa Gilas Pilipinas sa kabuuang 21 points, 5 rebounds, at 4 steals.
Mga laro ngayong Lunes – Rizal Memorial Stadium
4:00 PM Singapore vs. Malaysia
7:00 PM Pilipinas vs. Australia
7:00 PM Thailand vs. Indonesia (Binan)





Comments