top of page

Gilas susubukin ang lakas sa FIBA 3X3 Asia Cup Singapore

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 27, 2026



GIlas Pilipinas

Photo: Ang teams Gilas men at women na sasabak sa FIBA Asia Cup 3x3 2026. (nolimithoopspix)



Malaking pagbawi ang puntirya ng mga koponan ng Gilas Pilipinas sa pagsabak nila sa FIBA 3X3 Asia Cup Singapore 2026 simula Abril 1 hanggang 5. Ito ay hakbang patungo sa pangarap na mapabilang sa Los Angeles 2028 Olympics.


Matapos maging ika-15 sa 25 bansa noong 2025 sa Singapore din, maninigurado ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pamumuno ng bagong Direktor ng 3x3 Coach Ryan Gregorio. Itinalaga ang mga PBA player Jerrick Ahanmisi ng Terrafirma, Chris Koon ng Magnolia at Ralph Cu ng Ginebra at Sean Alter ng UP-Diliman.


Dahil mababa ang puwesto, kailangang dumaan ang mga Pinoy sa qualifier laban sa Maldives at Thailand. Kung papalarin, ilalagay sila sa Pool A kasama ang numero uno Mongolia at Chinese-Taipei.


Para sa Gilas Women, nais nilang higitan ang pagpasok sa semifinals noong 2025. Nakasalalay ito kay Afril Bernardino, Kacey dela Rosa, Cheska Apag at ang nag-iisang magbabalik na si Mikka Cacho.


Nabunot sila sa Pool D kasama ang defending champion Australia at ang lulusot sa qualifier sa pagitan ng Tonga, Macau at Maldives. Noong 2025 ay yumuko ang Gilas sa Aussies sa elimination, 8-21, pero pasok pa rin sa quarterfinals bunga ng 21-4 tambakan sa Indonesia.


Ginulat ng mga Pinay ang Mongolia sa quarterfinals, 19-15. Binigo sila ng Japan sa semifinals, 9-22 at ng Tsina para sa medalyang tanso, 11-21.


Maliban sa Asia Cup, magiging abala ang Gilas sa FIBA3X3 Women's Series kung saan magbubuo ng dalawang koponan ang Pilipinas. Nakatakda silang sumalang sa mga yugto sa Maynila (Mayo 7), Batam, Indonesia (Hulyo 23) at Tokyo (Agosto 1).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page