Gigil ng SGA sa pagiging 'biktima' ng 'jokes' Cup, tinambakan ang Taiwan
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
by Anthony Servinio @Sports News | August 21, 2026

Photo: Nagkatuwaan sina Pineiro at Marjanovic nang matambakan ang Chinese-Taipei sa 45th William Jones Cup na idinaraos sa Taiwan. (SGApix)
Saang matinong torneo na ang koponan na nag-iisa lang ang panalo ay tutuloy para lumaban sa kampeonato habang ang may lima ay maglalaro para sa konsuwelo?
Ibinuhos ng dating kampeon Strong Group Athletics ang sama ng loob sa host Chinese-Taipei Blue, 117-74, sa huling laro ng elimination ng ika-45 William Jones Cup Huwebes ng gabi sa Xinzhuang Gym.
Ito ang ika-limang sunod na tagumpay ang kinatawan ng Pilipinas at tabla sila ng Wonju DB Promy ng Timog Korea para sa liderato ng Grupo A sa 5-1.
Hawak ng mga Koreano ang tiebreaker at dahil sa kakaibang patakaran ng palaro, ang Blue Team na kulelat sa apat na koponan sa kartadang 1-5 ang papasok sa semifinals at maglalaro na lang para sa ika-limang puwesto ngayong Biyernes ng gabi 7 pm ang SGA kontra Jordan na pangatlo sa Grupo B.
Unang quarter pa lang ay bumanat para sa pinagsamang 14 puntos sina Remy Martin at Isaiah Pineiro para sa 25-17 bentahe. Unti-unting lumaki ito kahit ipinasok na ni Coach Charles Tiu ang mga bihirang gamitin sa unang limang laro.
Nagtapos si Pineiro na may 22 at 13 rebounds habang 19 si Martin sa 12 minuto lang. Sumunod sina Matthew Wright na may 18 at Jonathan Manalili na may 13.
Ang makakaharap ng SGA ay ang parehong Jordan na tutuloy sa Pilipinas para sa FIBA World Cup Qualifiers. Haharapin nila ang Gilas Pilipinas sa Agosto 28 at Australia sa 30, pareho sa MOA Arena.
Ang taunang torneo ay isang pagpupugay sa unang Secretary-General ng FIBA, ang Ingles na si William Jones, na malaki ang naging papel sa pag-usbong ng laro sa Asya. Pumanaw siya noong 1981 sa edad na 74.





Comments