Giganto, tagumpay sa Kaya FC, Phl U-16, tinalo ang Singapore
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 9, 2022

Higanteng himala ang hinatid ni Eric Giganto upang ibigay sa Kaya FC Iloilo ang 1-0 tagumpay kontra Azkals Development sa pagbubukas ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) handog ng Qatar Airways Linggo sa Rizal Memorial Stadium. Mabangis din ang simula ng defending champion United City FC at walang-awang iniligpit ang Maharlika Manila FC, 5-0, sa pangalawang laban.
Pinatalbog sa kanyang ulo ng reserbang si Giganto ang nagpapanalong goal eksakto sa pagpatak ng ika-90 minuto at bago magdagdag ng oras ang reperi. Halos kapapasok lang sa laro ng tubong Davao de Oro sa ika-81 minuto kapalit ni Arnel Amita at nagbunga ang estratehiya ni Coach Yu Hoshide.
Nasayang ang unang sabak ni Stephan Schrock para sa ADT subalit umagaw ng pansin ang mahusay na ipinakita ng bagong goalkeeper na si Julian Schwarzer, ang anak ng alamat na goalkeeper na si Mark Schwarzer ng Australia National Team at kanyang Pinay na asawa. Matagumpay na napigil ng batang Schwarzer ang mga sipa ng Kaya bago nalusutan ni Giganto.
Samantala, hindi uuwi ng luhaan ang Pilipinas sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Under-16 Boys Championship at tinalo nila ang Singapore, 2-1, noong Sabado ng gabi sa Sultan Agung Stadium ng Bantul, Indonesia. Nagtapos na pangatlo ang Batang Azkals sa Grupo A na may isang panalo at dalawang talo ngunit hindi na tutuloy sa semifinals na gaganapin Miyerkules ng gabi.
Ipinasok ni Arvin Alayon Jr. ang nagpapanalong goal sa ika-88 minuto. Bago noon, nakaunang goal ang Pilipinas salamat kay Julio Yoldi sa ika-48 minuto subalit nagawang itabla ni Jonan Tan ng Singapore ang laban sa ika-70 minuto.
Mga laro sa Linggo – Rizal Memorial Stadium 4 p.m. Mendiola FC 1991 vs. United City FC
7 p.m.Kaya FC Iloilo vs. Dynamic Herb Cebu FC





Comments