Giannis, Bane, Alexander at Ingram, mga palaban
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 15, 2022

Sinalubong ng World Champion Milwaukee Bucks ang bisitang Golden State Warriors at hindi pinaporma upang makamit ang malaking 118-99 panalo sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Sinubukang maglaro ng gwardiya si 6’11” Giannis Antetokoumpo at nagbunga ang eskperimento ng 37-21 lamang matapos ang first quarter at hindi na nila binitawan ito.
Nagtapos si Giannis na may 30 puntos, 12 rebound at 11 assist sa 30 minuto lang habang nag-ambag sina Khris Middleton ng 23 at Bobby Portis ng 20 puntos. Ito na ang ika-27 panalo ng Milwaukee at pumantay sa rami ng panalo ng numero unong Chicago Bulls subalit mas maraming talo ang Bucks.
Walang duda na ang Memphis Grizzlies ang pinakamainit na koponan sa liga ngayon at humaba sa 11 ang kanilang sunod-sunod na panalo matapos iligpit ang Minnesota Timbewolves, 116-108. Kumuha ng puntos ang Grizzlies kay Desmond Bane na may 21 at Jaren Jackson Jr. na 20 at kartadang 30-14, sapat para maging pangatlo sa Western Conference sa likod ng numero uno Phoenix Suns (31-9) at Warriors (30-11).
Taglay ang pinakamahinang opensa sa buong NBA na 100.0 puntos bawat laro, biglang uminit ang shooting ng bisitang Oklahoma City Thunder at tinambakan ang kulang na Brooklyn Nets, 130-109. Bumanat ng 33 puntos at 10 rebound si Shai Gilgeous-Alexander at sinundan ni Lu Dort na may 27 puntos buhat sa anim na tres upang itumba ang Nets na pinahinga sina Kevin Durant at Patty Mills.
Perpekto pa rin ng New Orleans Pelicans sa LA Clippers at nanalo muli sa pangatlong pagkakataon, 113-89. Namuno si Brandon Ingram na may 24 puntos. Tinambakan ng Denver Nuggets ang Portland Trail Blazers, 140-108, sa likod ng 20 puntos ni MVP Nikola Jokic at 21 mula kay Will Barton.
Samantala, patuloy ang pamamayagpag ni Stephen Curry ng Golden State Warriors sa botohan para sa 2022 All-Star Game sa Pebrero 20 matapos ang pangalawang bilangan.
Numero uno pa rin ang kanyang 4,463,426 boto subalit inagaw na ni LeBron James ng Los Angeles Lakers ang pangalawang pwesto na may 4,386,392 kumpara sa ngayon ay pangatlo na si Kevin Durant ng Brooklyn Nets na may 4,088,334.





Comments