Generals, nanaig sa PAOwer, kampeon sa NBL Chairman's Cup
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 9, 2023

Naging mas matatag ang bisitang Taguig Generals sa huling minuto upang mabigo ang La Union PAOwer, 94-92, upang mauwi ang 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup Sabado ng gabi sa San Juan Gymnasium. Winalis ng Generals ang seryeng best-of-three para sa kanilang pangalawang tropeo sa liga kasunod noong 2019.
Ipinasok ni forward Noel Santos ang pinakamahalagang buslo na nagbalik ng lamang sa Taguig, 93-92, at 35 segundo sa orasan. May pagkakataon ang PAOwer subalit nagmintis ang tres ni Erven Silverie hanggang nabigyan ng foul si Santos na walang kabang ipinasok ang isang free throw upang maselyuhan ang kampeonato na may isang segundong nalalabi.
Kinailangang humabol ang Generals mula sa 37-57 maaga sa third quarter sa likod nina Edzel Galoy at Mike Jefferson Sampurna at lumapit papasok sa fourth quarter, 66-76.
Mula doon ay gumawa ng walong puntos si Sampurna na sinamahan ng dalawang tres ni Fidel Castro upang gawing dikdikan ang laro kung saan pinalamang ni Ian Rhalf Llona ang La Union, 92-91, bago ang pagbayani ni Santos.
Nagtala ng 14 ng kanyang 19 puntos sa second half bilang reserba si Sampurna at tanghalin na Finals Most Valuable Player kasunod ng kanyang 15 puntos sa 113-108 panalo sa Game One noong Miyerkules sa Hagonoy Sports Complex.
Nanguna sa La Union si Silverie na may 20 puntos habang 18 si Jap Pambid at 16 si Billy Ray Boado. Ito na ang pangatlong beses na natalo ang PAOwer para sa kampeonato buhat na sumali sa NBL noong 2019.
Bago ang laro, pinarangalan ng NBL si Pambid bilang MVP ng Chairman’s Cup. Kasama niya sa Mythical Five ang mga kakamping sina Silverie at Boado, Dan Anthony Natividad ng Generals at RV Jumaquio ng DF Bulacan Republicans.





Comments