top of page

General at colonel na sangkot, kinasuhan na ng whistleblower… GRETCHEN, TAMEME NA ULI SA MGA NAWAWALANG SABUNGERO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 15
  • 3 min read

ni Julie Bonifacio @Winner | July 15, 2025



Photo: Gretchen Barretto / Circulated - IG



Tahimik na muli ang kampo ni Gretchen Barretto pagkatapos maglabas ng official statement ang kanyang abogadong si Atty. Alma Mallonga.


Mas gusto raw muna ng kampo ni La Greta na manatiling mahinahon, kaya wala pa o hindi muna nila nais maghain ng reklamo at this point.


“She’s downhearted by all of this,” sabi ni Atty. Mallonga sa panayam ng ANC.

Hindi makakatulong at mahirap na rin daw baguhin ang opinyon ng mga tao kahit daw puro pantasya, imbento, and nonsense ang mga akusasyon laban kay La Greta at ni isang affidavit ay walang naihain laban sa kanya.


Kahapon ay sinampahan na ng reklamo ng whistleblower na si Julie Patidongan alias “Totoy,” sa National Police Commission (Napolcom) ang police officers na kine-claim niya na involved sa kaso ng mga nawawalang sabungero.


Doon ay pinangalanan ni alyas Totoy ang isang aktibong police colonel at isang retiradong police general na umano’y sangkot sa kaso ng mga missing sabungero.

Sey pa niya, ang naturang police general ang nag-udyok umano kay Atong na ipapatay siya.


Pagkatapos magsampa ng reklamo ni alyas Totoy laban sa mga pulis, abangers na ang publiko sa susunod na hakbang na gagawin niya kina Atong Ang at Gretchen Barretto.



MAHUHUSAY ang mga baguhang singers mula sa EBQ Music na kasama ni Gerald Santos sa Gives Back (GB) concert niya sa Music Museum last Friday.


Isa na r’yan ang Soulful Balladeer na si Dex del Rosario. Kinanta niya sa concert ang original song ni Basil Valdez na Gaano Kadalas ang Minsan.


“Mas gusto ko po ‘yung more on ballad. Power ballad po talaga ang hilig ko,” saad ni Dex nu’ng makausap namin during the concert.

Mixed emotions daw ang naramdaman ni Dex sa first time niyang pagpe-perform sa MM, pero siyempre, kailangang magapi niya ‘yun.


“Lagi kong sinasabi na ang musika ay pag-ibig. Hindi ko kailangang maging pinakamagaling. Kumbaga, tuwing aapak ako sa stage, gagawin ko ‘yung best ko. As long as kakanta ako, okey po ako,” esplika niya.


Unforgettable experience talaga itong unang pagtapak ni Dex sa stage ng Music Museum dahil nakasama agad niya si Gerald.


Sabi niya, “Parang ano po, may missing piece na nakumpleto nu’ng nakasama ko si Gerald. Kasi nga po, sabi nila, makaapak ka rito, parang okey na, isa ‘yun sa mga nakakataba ng puso.”


Nagwo-work at isang business owner si Dex, pero passion niya ang pagkanta. Music daw ang nagpapasaya sa kanya.


Kuwento ni Dex, “Nag-start po s’ya siguro way back three years ago. Mula po nu’ng namatay ang mga magulang ko.


“Dati gusto ko lang kumanta. Pero nu’ng nawala ang mga magulang ko, parang mas nabigyan ko ng halaga ‘yung musika. Doon po ako humuhugot kapag malungkot ako, doon po ako lumalakas.”


When asked kung ano ang theme song ng buhay niya, sagot niya, “Siguro po ‘yung nagpasikat sa akin na kanta, ‘yung Minsan ay Minahal Ako. Kasi parang eto ‘yung kanta na inaalay ko sa magulang ko. Na kahit wala na po sila, parang nandito pa rin ako, lalaban para sa inyo. Na minsan may alaala na ako ‘yung nagmahal sa inyo.”


Pramis ni Dex, itutuluy-tuloy niya ang kanyang pagkanta para mas lumaki pa ang passion niya sa musika.


Pagbabahagi niya, “Actually, may song po na iniluluto para po sa gagawin naming album. Soon po ‘yan.


“Excited na ako for my first song. Tapos, may concert po kami agad-agad na gagawin.”

Looking forward kami sa album na ‘yan, Dex!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page