Gen. Parlade, ikinumpara kay Satanas ang organizer ng ‘community pantry’
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 23, 2021
GEN. PARLADE, PINUTAKTE NG BATIKOS NANG IKUMPARA KAY SATANAS ANG ORGANIZER NG COMMUNITY PANTRY—Pinutakte ng batikos ng mamamayan si SolCom (Southern Luzon Command) chief, Gen. Antonio Parlade nang ikumpara niya kay Satanas ang organizer ng “community pantry” na si Ana Patricia Non.
Ibang klase rin naman utak ni Gen. Parlade, kasi pinangunahan na nga ni Patricia ang pag-organize ng “community pantry” na nakakatulong ngayon para makakain ang mga naghihikahos na mamamayan, ikinumpara pa niya ito kay Satanas, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
PARA KAY SEN. “BONG” GO, GOOD ANG COMMUNITY PANTRY, PERO PARA KAY GEN. PARLADE, “SATANAS” ANG NAGPASIMUNO NG BAYANIHANG ITO—Panawagan ni Sen. “Bong” Go sa lahat ng kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga sundalo at pulis na suportahan ang community pantry dahil bahagi ito ng tungkulin nila sa bayan, at huwag nang pahirapan ang mga nais mag-ambag ng tulong sa mamamayan.
Mabuti pa si Sen. Bong Go, nakikita ang mabuting layunin ng community pantry, pero si Parlade, ikinumpara pa kay Satanas si Patricia na siyang punong-organizer ng bayanihang, period!
◘◘◘
DAPAT ALAMIN NG COA KUNG TOTOONG NAIBIGAY NG DOLE ANG P11.4-B NA IBINIDA NI BELLO NA NAIBIGAY SA MGA OFWS—Ibinida ni Sec. Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) na higit P 11.4 billion ang naitulong ng kagawaran sa mga OFWs (Overseas Filipino Workers) na apektado ng krisis dulot ng pandemyang COVID-19.
Ang laking halaga niyan, ha? Eh, ang tanong, totoo bang naibigay lahat ‘yan para pagparte-partehan ng mga OFWs?
Dapat alamin ng COA (Commission on Audit) kung totoong sa mga OFWs napunta ang perang ‘yan ng bayan, period!
◘◘◘
BAKA JOKE NA NAMAN NI P-DUTERTE NA GIGIYERAHIN ANG CHINA KAPAG KUMUHA NG LANGIS SA TERITORYO NG ‘PINAS—Sabi ni P-Duterte, nakahanda raw ang Pilipinas makipaggiyera kung kukuha ng langis ang China sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Totoo ba ‘yan? Tandang-tanda pa ng mamamayan ang sinabi ni P-Duterte na joke lang niya ang promise nang kampanyahan noong 2016 presidential election na magdye-jetski raw siya patungong Spratly Islands at magtitirik ng Philippine flag para ipamukha sa China na pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS), boom!





Comments