top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Gatchalian, muling ipinanawagan ang permanenteng evacuation sites para sa mga biktima ng kalamidad

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 1, 2021
2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | August 01, 2021




Hello, Bugarians! Napapanahon na ayon kay Senador Win Gatchalian para isaalang-alang ng gobyerno ang pagkakaroon ng permanenteng evacuation centers sa mga lugar na madalas masalanta ng mga kalamidad.


Muling ipinanawagan ni Gatchalian ang kanyang panukala at iginiit ang paglalaan ng kaukulang pondo sa taunang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para masiguro ang pagpapatayo ng nasabing pasilidad na akma sa mga pangangailangan ng mga nasasalanta.


“Sa dami at dalas na manalasa ng kalamidad sa bansa natin, dapat natuto na tayo sa mga trahedyang nagdaan at may nakalatag nang mga hakbang para sa mga nangangailangan ng agarang paglikas mula sa kani-kanilang mga lugar,” ani Gatchalian, may akda ng Senate Bill No. 747 o ang panukalang Evacuation Center Act.


“Sa gitna ng pakikipaglaban natin sa pandemya, dapat bigyan din ng atensyon ang paulit-ulit na pangangailangan ng mga kababayan natin tuwing mayroong kalamidad,” dagdag pa niya.


May kahalintulad na suhestiyon sa gobyerno noong nakaraang taon ang University of the Philippines Resilience Institute (UPRI) at ang disaster preparedness advocacy group na Agap Banta tungkol sa paglalaan ng P3 bilyon para sa loob ng tatlong taon o P1 bilyon kada taon para sa pagpapatayo ng mga permanenteng evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa.


Batay sa nakalap na impormasyon ng UPRI at Agap Banta, nasa 182 ang mga munisipalidad o 67% ng kabuuang 270-probiniya na kadalasang nasasalanta ng mga kalamidad ang walang permanenteng evacuation centers para sa kanilang nasasakupan. Umabot sa 545,000 na pamilya mula sa walong rehiyon ang inilikas sa kasagsagan ng mga Bagyong Quinta, Rolly, at Ulysses noong nakaraang taon at batay pa rin sa report, lumabas na hindi maayos o ‘di kaya ay hindi rin ligtas ang mga evacuation sites na pinagdalhan sa mga nasabing biktima ng kalamidad.


Ani Gatchalian, dapat tiyaking nasa maayos at ligtas na lugar ang pagtatayuan ng mga pinapanukalang permanenteng evacuation centers at may basic amenities tulad ng mga lugar para sa tulugan, kainan, palikuran, lutuan, labahan, clinic at isolation area para sa mga taong may mga nakahahawang sakit at lugar para sa mga alagang hayop.


Sa kanyang panukala, sinabi ni Gatchalian na bibigyang-prayoridad ang mga local government units (LGUs) na karaniwang nasasalanta ng kalamidad at walang sapat na ligtas na evacuation centers, base na rin sa pagsusuri ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page