Gasol, Scola at Anthony sa FIBA World Cup Draw
- BULGAR
- Apr 29, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 29, 2023

Malalaman na ng 32 kalahok na bansa kung sino ang kanilang makakalaro at saan ito gaganapin sa opisyal na bunutan para sa 2023 FIBA World Cup ngayong Sabado sa Araneta Coliseum. Kikislap ang mga bituin sa pagdating sa Maynila ng mga malalaking pangalan at alamat para saksihan ang seremonya na magsisimula ng 7:30 p.m.
Nakatakdang dumalo sina Luis Scola ng Argentina, Pau Gasol ng Espanya at Carmelo Anthony ng Estados Unidos upang gampanan ang kanilang papel bilang mga FIBA World Cup Ambassador. Nandito na rin sina Yao Ming ng Tsina at Dirk Nowitzki ng Alemanya bilang kinatawan ng kanilang bansa.
Magbubuo ng walong grupo na tig-apat na koponan. Hindi maaaring magsama sa grupo ang dalawang galing sa parehong kontinente maliban sa Europa bunga ng 12 nilang kalahok na defending champion Espanya, Pransiya, Serbia, Slovenia, Lithuania, Gresya, Italya, Alemanya, Montenegro, Finland, Latvia at Georgia.
Mula sa Asya ang mga co-host na Pilipinas at Japan, Australia, Iran, New Zealand, Tsina, Jordan at Lebanon. Hindi maglalaro ang isa pang co-host Indonesia matapos nilang hindi tuparin ang kondisyon ng FIBA na magtapos ng ika-walo o higit sa nakaraang FIBA Asia Cup.
Kakatawanin ang Hilaga at Timog Amerika ng Estados Unidos, Brazil, Canada, Venezuela, Puerto Rico, Dominican Republic at Mexico. Ang limang kinatawan ng Aprika ay Angola, Cote D‘Ivoire, Ehipto, Timog Sudan at Cape Verde.
Ang tiyak pa lang sa ngayon ay maglalaro sa Pilipinas ang U.S. subalit makakatapat lang nila ang Gilas Pilipinas kung maghaharap sila sa playoffs. Para sa dalawang co-host, napili ng Indonesia na papuntahin ang Canada at tutuloy ang Slovenia sa Japan.
Gaganapin ang Grupo A at B sa Araneta, C at D sa MOA Arena, E at F sa Okinawa Arena habang ang G at H ay sa Indonesia Arena. Lilipat ang lahat ng laro sa MOA Arena simula knockout playoffs hanggang finals.





Comments