Ganu’n daw kaselosa noon… DIANNE, INAALAM KUNG NAKABUKA ANG BIBIG NI RODJUN SA KISSING SCENE
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | November 19, 2025

Photo: File / Dianne Medina
Siniguro sa amin ni Dianne Medina na sa labingwalong taon nilang pagsasama ng asawang si Rodjun Cruz, kung saan 12 taon silang mag-boyfriend-girlfriend, sa ngayon ay wala nang lugar ang selos sa kanila.
Aminado si Dianne na sobrang selosa niya noong araw, kung saan pinakikialaman nila ang cellphone ng isa’t isa, at kapag may kissing scene ang noon ay boyfriend pa lang na si Rodjun ay galit na galit niyang tinatanong ito kung ilang kissing scenes ang ginawa, paano in-execute, at kung nakabuka ba ang bibig nito habang nakikipag-kissing scene.
Paliwanag naman ni Dianne, napakabata pa niya noon sa edad na 19 at napaka-immature sa maraming bagay, lalo na sa pakikipagrelasyon.
Pero ngayon ay kuntento at buo na ang tiwala nila ng asawa sa isa’t isa. Patunay nito ay suportado ni Dianne ang tandem nina Rodjun at Dasuri Choi sa Stars On The Floor (SOTF), na nanalo as grand champion sa katatapos na dance show ng Kapuso Network.
Kahanga-hanga na mahusay humawak ng pera sina Rodjun at Dianne. Bukod sa mga properties at investments nila ay nakabili na sila ng tig-isang lote na may sukat na 300 sq. meters sa isang eksklusibong subdivision kung saan nakatira ang kanilang pamilya at iba pang mga sikat na artista tulad nina Coco Martin, Julia Montes, atbp. para sa kanilang dalawang anak.
May joint account silang mag-asawa pero bukod dito, may kani-kanya rin silang accounts kung saan alam naman nila ang ipon ng bawat isa.
Kamakailan ay pinarangalan si Dianne bilang Top Content Creator of the Year 2025. Bilib kami dahil naaabot niya ang quota na P1 million araw-araw kapag hindi campaign period ng isang produkto, at kapag campaign period naman ay P10–20 million kada araw.
Hindi niya itinago na may pressure para abutin ang quota, pero sa sipag, tiyaga, determinasyon, at pagsisikap ni Dianne at ng kanyang team ay matagumpay nila itong naaabot.
MAHUSAY at talaga namang napahanga kami sa ganda at kalidad ng boses ng upcoming singer na si Ariel Daluraya.
Sa presscon ng kanyang first solo concert, ang Dream To ARIELity na gaganapin sa Viva Café sa darating na November 20, dito namin nalaman ang makulay pero kahanga-hangang buhay ni Ariel.
Nanggaling sa isang mahirap na pamilya mula sa Samar kung saan magsasaka ang kanyang ama, naranasan ni Ariel na puro sila utang, kumain ng bahog sa kanin at kape, at minsan ay sabay silang sumasali sa isang amateur singing contest ng ama, at kapag nananalo siya ay ibinibigay niya ang pera sa ina para ipanggastos sa bahay.
Nag-working student siya sa kanyang tiyahin sa Davao kung saan nakatapos siya ng kurso sa pagiging teacher sa University of Mindanao. Nakapasa siya sa unang take ng board exam pero hindi niya itinuloy ang pagtuturo dahil nasa puso niya ang pag-awit.
Bilang miyembro ng LGBTQ, kung saan mahusay niyang kinakanta ang ilang Disney Princess songs tulad ng Let It Go, naniniwala naman si Ariel na tanggap na sa lipunan natin lalo na sa showbusiness ang tulad nila lalo’t hindi mo naman talaga matatawaran ang talento at husay ng mga LGBTQIA+ members.
Nasa ilalim siya ng management ni Sir Otek Lopez.
Mapanakit ang single ni Ariel na may titulong Masakit Magmahal Nang ‘Di Ka Mahal, na composed ng kanyang manager.
Napakaganda ng liriko at nailapat ang musika na buong-puso namang inawit ni Ariel.
Mapapakinggan ang awit na ito sa Dream To ARIELity kung saan ilan sa mga guests ni Ariel sa gabing ito ay sina Ima Castro, JMartin of Retrospect, Juary Sabith ng The Clash (TC), atbp..
Parte ng kikitain ng naturang concert ni Ariel ay para sa pagpapakain sa mga street children sa iba’t ibang lugar.








Comments