Gamot sa cancer, diabetes at iba pa, tinanggalan ng buwis
- BULGAR

- Jun 11
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 11, 2025

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, ang desisyong gawing VAT-exempt ang mas maraming gamot ay isang positibong hakbang na malaking bagay sa mga mamamayan pagdating sa gastusin para sa kanilang kalusugan.
Dahil sa bisa ng Republic Act No. 11534 o mas kilala bilang CREATE Act, mas pinalawak ng Food and Drug Administration (FDA) ang listahan ng mga gamot na hindi na papatawan ng value-added tax (VAT). Layunin nito ang magkaroon ng mas abot-kayang mga gamot para sa mga Pilipinong dumaranas ng mga malulubhang karamdaman.
Ito ay ipinatupad nitong Hunyo 4, kung saan idinagdag sa listahan ang mga bagong gamot gaya ng panlaban sa cancer, diabetes, high cholesterol, hypertension, at mental illnesses.
Sa mga bagong gamot na saklaw ng VAT exemption, tampok ang kombinasyong Tegafur + Gimeracil + Oteracil Potassium na gamot sa cancer; Metformin Hydrochloride + Teneligliptin para sa diabetes; Atorvastatin + Fenofibrate laban sa high cholesterol; at Metoprolol Tartrate + Ivabradine para naman sa hypertension.
Para sa mental health, kasama na ngayon ang iba’t ibang klase ng Lamotrigine, na malaki ang papel sa paggamot ng mood disorders at epilepsy.
Bagama’t maraming gamot ang isinama, hindi naman nakabilang sa exemption ang Baricitinib, isang gamot na ginagamit din sa cancer treatment. Ito ay nangangahulugang limitado pa rin ang saklaw ng benepisyong medisina para sa ilang mga pasyente.
Mahalaga ang hakbang na ito ng FDA bilang tugon sa patuloy na panawagan sa mas inklusibong access sa gamot, lalo na para sa mga sektor na tinatawag na poorest of the poor.
Sa konteksto ng mataas na gastusin sa kalusugan sa bansa, ang VAT exemption ay maaaring magbigay ng ginhawa — pero pansamantala lamang ito kung hindi sasabayan ng malawakang reporma sa ating public health system. Gayundin dapat mas dumami ang mga gamot na tinanggalan ng buwis dahil pakinabang ito para sa lahat.
Marahil, ang VAT exemption ay isang positibong hakbang subalit hindi ito sapat. Habang gumagaan ang presyo ng ilang piling gamot, tila hindi pa rin nito nasasagot ang ugat ng problema — ang kakulangan ng libreng serbisyong medikal sa mga pampublikong ospital, at ang kakulangan ng access sa gamot sa mga rural at marginalized na lugar.
Kinakailangan siguro ng mas malawak na polisiya na hihigit sa buwis — kabilang ang price regulation, government subsidy, at mas epektibong distribusyon ng mga resetang gamot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments